MANILA, Philippines – Pinawalang sala ng Sandiganbayan si dating Parañaque City Mayor Joey Marquez kaugnay sa umano’y pagbili ng overpriced na mga armas ng kanyang mga bodyguard na nagkakahalaga ng mahigit sa isang milyong piso.
Ayon sa Commission on Audit (COA), binili umano ng dating mayor ang mga baril mula taong 1996 hanggang 1998 sa VMY Trading, isang kumpanya na hindi lisensiyado upang magbenta ng mga armas.
Sa desisyon ng 2nd Division ng Sandiganbayan, sinabi nitong hindi napatunayan ng prosekusyon na nilabag ni Marquez ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Inabswelto rin ng Sandiganbayan ang dating pinuno ng general services ng Parañaque na si Ofelia Cuanan na sinasabing nakipagsabwatan kay Marquez. (UNTV News)