MANILA, Philippines – Bagamat umiinit ang temperatura sa Dagat Pasipiko ay hindi pa rin ito sapat para sabihing umiiral na ang El Niño.
Ayon sa PAGASA, maliit na ang tyansa na umiral ang El Niño phenomenon sa unang bahagi ng 2015 o hanggang matapos ang tag-araw.
“Kaming mga siyentipiko ay nagtataka kung bakit nahuhuli ata yung reaction ng atmosphere at hindi kami makakita ng direct comling. Ibig sabihin kumbinasyon ng pagbabago sa dagat at pagbabago sa sirkulasyon ng hangin na dulot nga nitong pag-init ng karagatan,” pahayag ni Anthony Lucero, PAGASA Weather Specialist.
Kahit hindi mangyari ang El Niño ay may posibilidad na mabawasan pa rin ang mga pag-ulan sa bansa dahil sa impact o epekto ng global warming.
Pangunahing maaapektuhan nito ang mga lugar na nasa ilalim ng climate type I at III na karamihan ay nasa kanlurang bahagi ng bansa.
“Ang mararanasan nating possibility ay malaking bahagi ng bahagi ng ating kalupaan dito sa Pilipinas ay makakaranas ng below normal rainfall,” ani Lucero.
Subalit hindi naman inialis ng weather bureau ang posibilidad na mag-redevelop ang El Niño sa susunod na quarter ng 2015.
“Yung mga ganyan na iinit yung karagatan tapos bababa na naman yung pag-init pero nananatiling mas mainit siya kesa normal, pag nagtuloy-tuloy yan ang laki ng possibility na maging strong El Niño.”
Sa kalagitnaan naman ng taon ay magiging maulan na ang buwan ng Mayo.
“According to our calculation, sa Mayo mas malaki mas marami ang ulan na ating mararanasan,” saad pa ni Lucero.
Sa ngayon ay sapat naman ang tubig ng Angat Dam hanggang sa panahon ng tag-araw.
Ala-6 ng umaga kanina ay nasa 212 meters ang lebel ng tubig nito. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)