MANILA, Philippines – Naghain ng mosyon sa Korte Suprema ngayong araw ng Biyernes ang Bayan Muna Partylist upang hilingin ang agarang paglalabas ng temporary restraining order or a status quo ante order kaugnay sa taas-pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).
Sinabi ni Bayan Muna Partylist Representative Neri Colmenares na ang paghahain nila ng manifestation with motion ay upang ipaliwanag sa Kataastaasang Hukuman na walang basehan ang pagpapatupad ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ng fare increase sa MRT at LRT.
Sinimulang ipatupad ang taas-pasahe noong Enero 4, 2015.
Noong Enero 13, hindi naglabas ng TRO ang SC laban sa fare increase, at sa halip ay iniutos ng kataas-taasang hukuman sa pamahalaan na magpasa ng kanilang komento sa apat na petisyong kumukuwestyon sa legalidad ng taas-pasahe.
“Ngayong araw (Biyernes) mag-eend ang 10 days na ibinigay ng SC sa SolGen kaya hinihingi ng taumbayan ngayon ay mag-issue na ng TRO ang SC. Ang kinikita dyan ng MRT sa bawat araw na pinataw ay P30M more or less,” anang mambabatas.
Dagdag pa ni Colmenares, maliban sa hindi ito dumaan sa public hearing, nagdudulot rin ng matinding perwisyo sa publiko ang malaking pagtaas sa pamasahe.
“Walang budget na ibinigay ang gobyerno sa taumbayan. Ang taas-pasahe na yun, pananghalian na yun eh. Kung manalo man kami, hindi na ma-reimburse yun eh, mahirap nang i-refund.”
Sinabi rin ni Colmenares na sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Transportation kamakailan, inamin ng DOTC na wala itong hurisdiksyon para magpatupad ng fare hike.
“Ang last point namin dito, may admission ang DOTC na wala silang jurisdiction sa pag-issue ng rate hike. So klaro kaagad yun eh, kung wala kang juris, yung buong order mo is void. Paano magpakulong ang ahensya ng isang tao na wala pala syang juris, korte lang,” saad pa nito. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)