MALOLOS CITY, Philippines – Ginugunita ngayong araw, Enero 23, ang ika-116 anibersaryo ng pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas.
Pasado alas-8 kaninang umaga nang mag-umpisa ang programa sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan.
Tema ng pagdiriwang ngayong taon: “Lakas ng republika sa harap ng nagbabagong panahon tungo sa daang matuwid.”
Pinangunahan ni DILG Secretary Mar Roxas ang pagtaas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak sa harap ng monumento ni General Emilio Aguinaldo.
Kasama ni Roxas sina Dr. Maria Serena I. Diokno, tagapangulo ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, Bulacan Governor Wilhelmino Sy Alvarado at Malolos City Mayor Christian Natividad.
Binasa ni Roxas ang mensahe ni Pangulong Benigno Aquino III hinggil sa sakripisyo ng ating mga ninuno na nagbuwis ng buhay makamit lamang ang kalayaan.
“Pagsakop ng kastila dito, pinaglalaban natin ang ating kasarinlan, ating kalayaan ngayon naman pinaglalaban natin mula sa kahirapan, mula sa katiwalian, mula sa kawalan ng pagkakataon.”
Samantala, nais naman ng ilang taga Bulacan na ideklarang national working holiday ang pagkakatatag ng Unang Replubika ng Pilipinas sa Malolos, Bulacan.
“Unang Republika ng Pilipinas this is a national event, may ibat-ibang lalawigan naririto di ito pang Malolos lang pang Bulacan, dapat ang pinakamahalagang araw ng ating bansa ay araw na ito. Dahil sa araw na ito nagkaroon tayo ng sariling pagkakakilanlan, sariling bansa sariling kalayaan, na apat na raang taon nationg pinaghirapan,” saad ni Malolos City Mayor Christian Natividad.
“National working holiday ang January 23 sapagkat ito ang kauna-unahang republika sa Asya, unang republika ito kailangan malaman ng kabataan natin sa kanilang buhay,” giit ni Dioscoro Valenzuela, presidente ng Bulacan Veterans.
Bahagi din ng selebrasyon ang parada at paligsahan sa ika-limang taong “Dulunsangan” sa Malolos o pagsasadula ng pakikipaglaban ng mga Pilipino para sa kalayaan laban sa mga kastila. (Nestor Torres / Ruth Navales, UNTV News)