MANILA, Philippines – Dalawang dekada nang nagtatrabaho sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) si Mario Palafox, senior weather specialist.
Kwento nito, nag-umpisa siya bilang isang observer sa PAGASA na sumasahod ng P2,500 noong 1984.
“Nagsimula ako nasa 3rd shift. Kung baga yun yung graveyard shift pang gabi, 10pm-6am —more than 10 years yun na ganun ang shift ko walang rotation noon.”
Ilang taon ang lumipas ay naging forecaster si Palafox matapos sumailalim sa meteorology course ng ahensya.
Hitik sa karanasan si Palafox, katunayan ay naranasan niya ang manu-manong pagtaya sa daraanan ng bagyo hanggang sa maging makabago na ang storm tracking.
“Ang internet kahit ordinaryong tao nakikita mo di mo maaalis sa kanila na ikumpara yung forecast ng ibang meteorological centers sa ibang bansa sa ginagawa namin dito sa PAGASA,” saad pa ng weather specialist.
Si Palafox din ang isa sa mga nangangasiwa sa mga forecaster bilang in-charge sa forecasting section ng weather division ng ahensya.
Dumating ang panahon sa buhay ni Mang Mario Palafox na kailangan niyang mamili para masustinehan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
Ayon dito, sumasahod siya ng P33,000 sa kanyang basic pay kada buwan, subalit kalahati na lamang ang naiuuwi nito sa kanyang pamilya dahil sa mga kaltas.
“Lately nagka-college na nga yung mga bata napapansin ko na hindi na ako nakakaahon sa mga pagkakautang ko yung mga loans. Kasi yun ang ginagawa ng isang ordinaryong employee para makakuha ng pantustos sa pag-aaral ng mga bata kung baga naglo-loan yan.”
Hindi naman maaring basta taasan ang kanyang sweldo dahil nakasaad sa batas kung magkano lamang ang dapat nitong tanggapin.
Sa ibang bansa o sa pribadong kumpanya ay nasa apat o limang beses ang laki ng sweldo kaya’t may mga na-eenganyo na tanggapin ito.
Sa ngayon ay sapat naman umano ang 17 forecasters ng PAGASA para sa 24 oras na operasyon. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)