MANILA, Philippines – Bago resolbahin ang isyu sa congestion at pagpapagawa ng bagong airports, ipinanukala ng International Air Transport Association (IATA) na unahing hanapan ng solusyon ang kaligtasan ng mga paliparan sa bansa.
Sa assessment na inilabas ng IATA sa ipinatawag na transport hearing sa kongreso, bagsak ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Manila International Airport Authority (MIAA) hinggil sa safety operational performance ng mga eroplano sa mga airport.
Ayon kay IATA Asst. Director Anthony Houston, dumarami ang report na kanilang natatanggap mula sa mga airline company kaugnay ng operasyon bago mag-take-off ang isang eroplano.
Mayroon umanong problema sa mga airport markings, signage at lighting na maaaring magdulot ng panganib sa mga eroplano.
“This is very significant, it needs immediate attention.”
Inirereklamo ng IATA na wala man lamang silang natatanggap na tugon mula sa mga aviation authority.
Ayon naman sa CAAP, hindi naman ito sakop ng IATA kaya hindi ito obligadong sumagot.
Sinabi naman ng mga mga mambabatas, isyu ito tungkol sa kaligtasan na dapat na pagtuunan ng pansin.
“We don’t need outsiders to tell us what is wrong with our airports,” pahayag ni Lt. Gen. William Hotchkiss III, CAAP Director General.
“Basta ang point its your call in the end but we cannot prohibit them, and we should not prohibit them from bringing to our attention safety issues,” saad naman ni Bayan Muna Party-list Representative Neri Colmenares.
Mayroon ding suhestyon ang IATA sa problema ng congestion at delayed flight.
Maaari aniyang magamit ang ipinasara ng CAAP na Runway 31 na dating pinaparadahan ng malalaking eroplano.
Dahil sa mga nakaparadang eroplano sa Runway 31,nalalagay din sa panganib ang mga eroplanong nag-te-takeoff.
Kaya payo ng mga mambabatas, alisin ang mga naka-park na eroplano at gamitin ang Runway 31. Pero ayon sa CAAP, walang paglalagyan sa mga eroplanong nakaparada.
Samantala, ipinanukala ang pag-amyenda sa regulasyon ng Civil Aeronautics Board (CAB) upang pumabor sa kapakanan ng mga pasahero.
Hindi sakop ng CAB na atasan ang mga airline company na bigyang kompensasyon ang mga naaabalang pasahero.
Sa aamyendahang regulasyon, maaari nang makatanggap ng kompensasyon o kabayaran ang sinomang pasahero ng eroplano na maaabala dahil sa mga delayed at kanseladong flight. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)