MANILA, Philippines – Hindi kinatigan ng Department of Justice (DOJ) ang hiling ng kampo ni U.S. Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na i-dismiss ang kasong murder na isinampa laban sa Amerikano.
Kaugnay ito ng pagpaslang sa Filipino transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude sa Olongapo City noong Oktubre.
Sa isang resolusyon, pinagtibay ng DOJ ang December 15, 2014 resolution ng Olongapo City Prosecutor’s Office na nakakita ng probable cause na sampahan ng kasong murder si Pemberton.
“In-affirm ng DOJ ang ruling, resolution ng City Prosecutor finding probable cause for murder, the presence of certain qualifying circumstances for murder have been affirmed,” saad ni DOJ Secretary Leila De Lima.
Kabilang sa pinagtibay na aggravating qualifying circumstances ng DOJ ang treachery, abuse of superior strength, at cruelty.
Iniutos na rin ng DOJ ang agarang pag-resume ng paglilitis ng Olongapo Regional Trial Court Branch 74 kay Pemberton.
Noong Disyembre ay pinagbigyan ng korte sa Olongapo City ang kahilingan ng kampo ni Pemberton na suspendihin ang proceedings sa kanyang kinakaharap na kaso.
Ito ay matapos maghain ng 33 pahinang petition for review ang kampo ng Amerikanong sundalo sa DOJ upang kuwestiyunin ang kasong murder laban rito.
Kasalukuyang nakadetain sa Camp Aguinaldo sa Quezon City si Pemberton. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)