MANILA, Philippines – Naghain na ng petisyon ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) upang hilingin ang P136.00 na umento sa arawang kita ng mga mangagawa sa Metro Manila.
Ayon kay TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, noong Oktubre 2014 ay isang taon na ang lumipas mula nang huling dagdagan ang sahod ng mga manggagawa kaya napapanahon na muling humiling ng umento.
Dagdag ni Tanjusay, kabi-kabila ang pagtaas ng mga bayarin gaya ng kuryente, tubig at pasahe sa MRT, bukod pa ang pagbaba ng halaga ng piso dahil sa inflation.
“Nagbaba nga ng presyo ng gasoline pero hindi ito sa ngayon nagre-reflect pa doon sa mga basic commodities na kinakailangan ng mga manggagawa as pang-araw-aaraw.”
Sa ngayon ay P466.00 ang arawang kita ng mga mangagawa.
Tulad ni Mark Anthony Dela Peña na kumikita ng minimum wage ay halos walong libo na lamang ang naiuuwi sa pamilya mula sa P11,000 na buwanang sahod.
Ayon sa kanya, P150.00 ang budget niya sa pagkain sa isang araw habang tatlong libo naman ang upa sa kanyang tinitirhan.
Hindi pa aniya kasama rito ang pambili ng gatas ng kanyang anak.
“Sahod, uutang, trabaho, wala ganun din di sapat.”
Sa nakaraang petisyon ng labor group ay P85.00 ang kanilang hiniling subalit P10.00 lamang ang idinagdag sa basic salary, habang P15.00 naman sa cost of living allowance (COLA).
Ayon sa mga obrero, kung hindi sila pakikinggan ng wage board sa kanilang petisyon ay lalapit sila sa mga kongresista para sa pagsasabatas ng umento sa sahod, at maaari din nilang gawin ang paglapit kay Pangulong Aquino. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)