MANILA, Philippines – Tinawag ni Pangulong Benigno Aquino III na “call center capital of the world” ang Pilipinas sa kanyang talumpati sa harap ng mga delegado ng International Contact Center Conference and Exposition nitong Miyerkules sa SMX Convention Center sa Pasay City.
Pinuri rin ng pangulo ang industriya ng contact center dahil sa malaking iniunlad nito sa nakalipas na panahon.
Taong 2000 nang magsimula ang contact center industry sa Pilipinas at kaagad na kumita ang industriya ng $20 million sa tulong ng mahigit dalawang libong empleyado.
Nito lamang 2014, mahigit 600-libo na ang nagtatrabaho sa mga call center at nakapagtala na ng P11.7 billion revenue.
Sa 2016, target ng contact center industry na kumita ng P15 billion at makapagbigay ng trabaho sa 900-libo nating mga kababayan.
“I certainly would not take it against you if you surpass these numbers and reach one million employees before the time I step down from office,” anang pangulo.
At dahil malaki ang naitutulong ng contact center industry sa ekonomiya ng bansa, patuloy ang suporta ng pamahalaan sa edukasyon upang marami pang mga Pilipinong makapagtatrabaho sa nasabing industriya.
Isa na rito ang Information Technology course (IT) ng TESDA.
“We have spent more than 1.3 billion pesos on this program soley for IT BPM sector. since the beginning we have been working with IT BMP and the collaboration has made favorable results,” pahayag pa ni Pangulong Aquino.
Naglaan din ang pamahalaan ng P125 million para sa mga programa at short courses sa 17 pilot states and colleges sa Metro Manila at sa iba pang lungsod.
Siniguro naman ng ating pangulo na bagama’t malapit nang matapos ang kanyang termino ay patuloy pa rin ang magiging suporta ng pamahalaan sa industriya ng contact center. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)