BULACAN, Philippines – Naserbisyuhan ng libreng medical mission at legal consultation ng UNTV (Your Public Service Channel), katuwang ang Members Church of God International (MCGI) ang mga taga-San Jose Del Monte City, Bulacan nitong Linggo, January 25, 2015.
Ayon kay Kagawad Joy Gutierrez, kaagad tumugon ang grupong Ang Dating Daan (ADD) sa kanilang hiling na medical mission para sa mga mahihirap niyang kababayan.
“Nag-request po ako sa Ang Dating Daan ng isang malakihan sanang medical mission para makatulong po sa aming barangay yun po, yun po nagtugunan nila sa awa ng Dios. Ngayon lang din po nagkaroon ng ganitong medical mission na halos lahat po ng services dental, gupit, x-ray, RBS, marami pa pong iba almost kumpleto lahat ng services na ibinaba po sa aming barangay.”
Maraming residente ang napagkalooban ng libreng serbisyo gaya ng medical, dental at legal consultation, massage therapy at maging ng libreng gupit.
“Pinache-check up ko yung mata kung pwede baka makakita pa, minsan kasi may nasisilaw ako, bigla na lang ako nabulag dati di naman ako bulag nakakaaninaw pa ako,” saad ni Mang Joselito Bernardo.
Malaki naman ang pasasalamat sa Dios ni Aling Norma Padilla dahil natulungan sila nina Bro. Eli Soriano at Kuya Daniel Razon.
“Barado ang Puso ko kaya nag mamantena ako ng gamot, nagpa-ECG ako para makita sakit ko sa puso. Ngayon dalawang beses na ako na-ECG sa Ang Dating Daan.”
Kaalinsabay ng medical mission ay ang film showing ng pelikulang “Isang Araw” na ikinatuwa ng marami nating kababayan.
Ayon kay Eliseo Hombre, napakaraming mabuting aral ang kanilang natutunan sa naturang pelikula.
“Ang pagawa ng mabuti huwag gumawa ng masama, at manalangin sa Dios at saka pagtulong sa kapwa,” pahayag nito. (Nestor Torres / Ruth Navales, UNTV News)