MANILA, Philippines – Dumagsa ang mga kababayan nating nakikiramay sa mga naulila ng tinaguriang “SAF 44” sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Tangan nila ang mga lobo at banner tanda ng kanilang pakikiramay sa bawat naulila ng “fallen heroes”.
Nitong umaga ng Biyernes, bata-batalyong PNP-SAF members ang naglakbay mula sa kanilang mga destino upang masilayan sa huling sandali ang kanilang mga kabaro.
Ramdam ng lahat ang pangungulila at pakikisimpatiya sa SAF 44.
Kasabay ng pagbuhos ng pakikiramay ay hindi rin mapigilan ang pagdadalamhati at pagluha ng mga pamilya at kaanak ng mga nasawing pulis.
Ayon kay Kristine Kiangan, asawa ni PO2 Noble Kiangan, “Part po kasi yun ng buhay ng asawa ko, tatanggapin ko po.”
“Hustisya ang kailangan namin ma’am, managot na ang dapat managot, managot na ang dapat managot,” mariin namang pahayag ni Anastacia Capinding, ina ni PO1 Loreto Capinding.
“Masakit po para sa amin pero dapat po hindi ma-despair sa mga pangyayari,” saad naman ni PO1 Ronals Malayo, kaibigang matalik ng dalawa sa SAF 44.
Hiniling naman ng isa sa asawa ng napaslang na pulis sa mga kapwa niya nawalan ng asawa na huwag mawalan ng pag-asa at manatiling matatag.
“For the grieving wives, just like me, let us be strong for our children, because behind every brave SAF trooper is a strong wife,” ani Erica Pabalinas, maybahay ni Senior Insp. Ryan Pabalinas.
Tulad ng pagiging mailap ng kapayapaan sa Mindanao, ramdam nilang matatagalan ang pagkamit ng hustisya para sa kanilang mahal sa buhay.
Subalit, hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa sa magagawa ng pamahalaan para sa kanila.
“Please, Sir President. Please help us… “All I ask right now is justice, not only for my husband, but for everyone who fought and fell,” saad pa ni Ginang Pabalinas.
Nakatakdang ibiyahe ang labi ng 20 PNP-SAF commandos ngayong araw upang iuwi at iburol sa kani-kanilang probinsya, subalit mananatili namang nakaburol sa Camp Bagong Diwa ang iba pa hanggang Sabado, Enero 31. (Rosalie Coz, UNTV News) Edited by Ruth Navales