Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Pres. Aquino, nakiramay sa kaanak ng mga nasawing SAF members

$
0
0

Si Pangulong Benigno Aquino III sa pag-aalay ng tahimi na panalangin para sa mga nasawing PNP-SAF Troopers sa isinagawang necrological service at Camp Bagong Diwa. (Malacanang Photo Bureau)

MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang necrological service ngayong araw ng Biyernes para sa mga nasawing miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

“Sa ngalan ng sambayanang Pilipino, kinikilala po natin ang kabayanihan ng ating mga nasawing kapulisan. Nagpapasalamat tayo sa kadakilaan ng kanilang sakripisyo. Nakikiramay po tayo sa bawat pamilya ng mga kapulisan nating nawalan ng mahal sa buhay.”

Kasamang nakiramay ng pangulo ang ilang miyembro ng gabinete, mga kongresista at ilang senador na kapansin-pansing nakasuot ng black armband.

Agad itong dumiretso sa lugar na kinalalagyan ng mga nasawing pulis at isa-isang nilapitan ang mga naulilang pamilya upang personal na ipaabot ang kanyang pakikiramay.

Binigyan din ng pangulo ng “medalya ng katapangan” at plake ang mga naiwang pamilya na labis-labis ang pagdadalamhati.

“Isa po sa pinakamahirap kong tungkulin bilang pangulo ay ang pakikiramay sa mga nawalan ng mahal sa buhay. Sa pagharap ko po sa inyo ngayon, aaminin ko po, hindi ko mapigil tanungin ang aking sarili: Ano nga ba ang masasabi ko, para kahit papaano, ay mapagaan ang kalooban niyo?”

Sinabi pa ng pangulo na ramdam niya ang sakit ng mawalan ng mahal sa buhay sa marahas na paraan, kaya naman labis-labis ang kanyang simpatya sa mga naulila ng mga pulis.

“Sa inyo pong mga kaanak ng nasawi nating kapulisan, batid kong nagbago rin ang inyong mundo sa pagpanaw ng inyong mga mahal sa buhay. May nailatag na kayong mga plano; at mga pangarap na nais marating. At sa di-inaasahang pangyayari, ay biglang lumabo at dumilim ang inyong
kinabukasan. Napakaraming mga tanong na nag-uumpisa sa katagang “Bakit”: Bakit ito nangyari? Bakit kailangang may masawi? Bakit kailangang magdusa ang pamilya?”

Gayunman, binigyang diin ng commander in chief na hindi nasayang ang buhay ng mga pulis na nagbuwis ng buhay para sa bayan.

Aniya, “Sa inyo pong mga mahal sa buhay ng mga namayapa nating kapulisan, alam kong batid din ninyo ang puno’t dulo ng kanilang pagsali sa hukbo. Silang 44 na pulis, sa murang edad na 26 hanggang 39 na taong gulang, ay itinulak ang kanilang mga sarili at sinagad ang kanilang kakayahan, para maiambag ang kanilang pinakamalaking maiaambag, hindi lang para sa sarili o sa pamilya, kundi para sa ating Inang bayan. Inialay nila ang kanilang buhay para sa malawakang kapayapaan at kaayusan.”

Tiniyak rin ng pangulo na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng 44 SAF members.

Ayon sa pangulo, ibibigay ng pamahalaan ang mga benepisyo na nararapat sa mga pamilya ng mga nasawi. (Nel Maribojoc, UNTV News) 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481