MANILA, Philippines – Hindi muna pinapayagang lumipad ang nasa 20 SF-260FH trainer aircraft ng Philippine Air Force (PAF) habang isinasagawa ang imbestigasyon sa nangyaring pagbagsak ng isa nilang eroplano sa Nasugbu, Batangas.
Ayon sa tagapagsalita ng PAF na si Lieutenant Colonel Enrico Canaya, grounded muna ang kanilang training planes hangga’t hindi nalalaman ang dahilan ng plane crash sa Batangas na ikinasawi ng dalawa nilang piloto.
Magugunitang 9:30 ng umaga noong Sabado ay bumagsak at lumubog sa karagatan ang isang SF 260 plane habang nagsasagawa ng flight exhibition act kasabay ng pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng Liberation Day ng Nasugbu.
“May exhibition ginaganap yung tatlo, eh yung pang apat ay nagkamali ng exhibition, siguro hindi na ano yung kanyang manibela, dere-daretso sa tubig, kala nila ay kasama sa plano yung ganung exibisyon,” pahayag ni Michael Buenabentura, icedrop vendor na nakasaksi sa pagbagsak ng naturang eroplano.
“Basta nalang namin nakita, bumagsak nalang, ni-rescue agad naman. Si Governor Vilma, iyak talaga eh, andyan din si Vilma eh, nakita nya ang pangyayari,” saad naman ni Kapitan Leon Esguerra ng Brgy. Bucana, Nasugbu, Batangas.
Sinasabing nag-takeoff ang eroplano mula sa Fernando Air Base sa Lipa City para sumama sa three-aircraft formation training mission na layong isadula ang nangyari noong 1945 kung kailan pumasok ang mga Amerikano para labanan ang mga Hapon.
Ngunit ilang minuto pa lamang matapos lumipad ay bumagsak ito sa dagat, higit isandaang metro ang layo mula sa baybayin ng Barangay Bucana ng Nasugbu, Batangas.
Agad namang na-retrieve at dinala sa Villamor Airbase ang labi ng dalawang piloto na kinilalang sina Capt. John Bayao at assistant nitong si 1st Lt. Nazer Jana.
Nag-dispatch naman ng mga tauhan ang Philippine Air Force para tumulong sa recovery operations sa wreckage ng eroplano.
Ayon sa PAF, aalamin nila sa imbestigasyon ang tatlong anggulo gaya ng human error, mechanical failure at environmental conditions sa posibleng sanhi ng pangyayari. (Sherwin Culubong, UNTV News)