QUEZON CITY, Philippines — Tumagal ng halos dalawang oras ang State of the Nation Address ni Pangulong Benigno Aquino III at ilang ilang ahensya ng pamahalaan ang pinuri nito.
Alas 3:47 ng hapon nitong Lunes nang dumating sa Batasang Pambansa Complex si Pangulong Benigno Aquino III sakay ng helicopter.
Eksaktong alas-4 ng hapon nang pumasok ang Pangulo sa sa loob ng session hall at 4:06 ng magsimula ang kanyang talumpati.
Special mention sa speech ng Pangulo ang nagngangalang Niño Aguirre, isang pilipinong may kapansanan na nagtiyagang bumoto noong nakaraang eleksyon sa kabila ng kanyang kalagayan.
Sa mga ahensiyang pinuri ng Pangulo, kasama dito ang TESDA.
Ayon sa Pangulo mula 2006 – 2008 nasa 28.5% lamang ang graduate ng TESDA na nakakapasok sa trabaho, subalit noong nakaraaang taon umabot sa 70.9% ang mga nagkakaroon ng trabaho pagkatapos na mag-aral sa TESDA.
Pinuri din ng Pangulo si Department of Education Sec. Armin Luistro na dahil sa kanyang pamumuno ay muling naibaba ang presyo ng mga libro sa 30 pesos per text book mula sa 58-pesos.
Aniya naghahanda narin ngayon ang Kagawaran ng Edukasyon para sa implementasyon ng K to12 program.
Kabilang din sa mga nabanggit ng Pangulo ang Department of Interior and Local Government at Department of National Defense maging ang kabayanihan ng tatlong pulis.
Samantala, ipinagmalaki rin ni Pangulong Aquino ang Philhealth.
Aniya nadatnan niyang 62% lamang ang mga Pilipinong naka-enroll sa Philhealth subalit ngayon umabot na ito sa 81%.
Ngayong taon, kasama na sa mga libreng benefit na makukuha sa Philhealth ay pagpapagamot sa mga sakit gaya ng coronary by pass at pagtatama ng ugat sa puso.
33-bilyong piso ang ginastos ng administrasyon sa mga nakaraang taon upang makapagpatayo ng 4,518 na mga ospital, health units at barangay health stations.
Bida rin sa speech ng Pangulo ang Conditional Cash Transfer Program ng Department of Social Welfare and Development.
Mula sa 700-million na benepesyaryo ng CCT noong 2010 ngayon ay umabot na sa apat na milyong kabahayan.
Plano rin ng Pangulo na sa susunod na taon ay saklaw na ng CCT ang mga may edad 18 pataas upang mahikayat ang mga bata na magtapos ng high school. (GRACE CASIN, UNTV News)