MANILA, Philippines – Ilang oras bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III, nagsagawa naman ng State of the Drivers Address (SODA) ang PISTON Partylist sa harap ng tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay PISTON National President George San Mateo, bagsak na grado ang ibibigay ng mga tsuper kay Pangulong Aquino sa naging performance nito sa nakaraang tatlong taon sa pwesto.
Kinondena ng PISTON ang anila’y pagwasak sa kabuhayan ng mga drayber at maliliit na operator bunsod nang ipinatupad na year model phase-out sa UV Express na binabalak na ipatupad ng pamahalaan sa mga pampasaherong jeepney.
Binatikos din ng grupo ang mga ahensya ng transportasyon gaya ng DOTC, LTFRB at LTO.
Nagbabala din si San Mateo ng malawakang protesta at tigil-pasada mula sa mga drayber at mamamayan kung hindi pakikinggan ng administrasyong Aquino ang kanilang mga kahilingan.
Matapos ang isinagawang SODA ay nagkaroon ng transport caravan ang grupong PISTON patungong Commonwealth Avenue at Tandang Sora para sumanib sa iba’t ibang sektor na magpoprotesta sa Batasan para sa SONA ng Taumbayan na pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)