MANILA, Philippines – Pabor si Vice President Jejomar Binay na bumuo ng independent Truth Commission para sa imbestigasyon kaugnay sa madugong Mamasapano incident.
Ngunit, sinabi nito na hindi dapat si Pangulong Benigno Aquino III ang magtalaga sa magiging miyembro ng Truth Commission.
Sinabi ng Bise Presidente na dapat na maiwasan ang anumang spekulasyon ng publiko sa gagawing imbestigasyon.
“Having the members appointed by the President as proposed by several administration senators will certainly cast doubts on their impartiality,” saad nito.
Ayon kay Binay, dapat na ang Integrated Bar of the Philippines ang manguna sa pagbuo g search committee.
Marapat din na ang truth commission ay binubuo ng iba’t-ibang religious group, dating chief justices ng Supreme Court at walang kaugnayan sa kasalukuyang administrasyon o kaanib sa isang political group.
“We need to ensure that the investigating body, from the start, is seen as an independent body.”
Samantala, ipina-uubaya na ng Palasyo sa Kongreso ang pagbuo sa TRUTH COMMISSION.
Sinabi ni PCOO Secretary Herminio Sonny Coloma Jr. na hintayin na lang muna ng Malacañang ang resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry ng PNP.
“Nasa pagpapasya na nila yun basta para sa amin ay ginagawa ang lahat para mabuo nga noh, magkaroon tayo ng kumpletong salaysay at mabatid yung ganap na katotohanan mahalaga ito sa paggawad ng katarungan sa mga nasawi,” saad ni Coloma.
Sa Lunes itinakda ng Senado ang pagdinig sa Mamasapano, Maguindanao incident matapos ikonsidera ang hiling ng PNP.
Ayon kay Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, dapat imbitahan ang mga kaanak ng mga nasawing commandos dahil malaki ang partisipasyon ng mga huling text messages sa kanila sa imbestigasyon. (Bryan de Paz, UNTV News)