MANILA, Philippines – Ipinaliwanag ni PNP Officer-in-Charge Leonardo Espina na hindi na kailangan ang “go signal” ng Pangulo sa ginawang operasyon ng PNP-Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao.
Nitong ay una nang sinabi ni Armed Forces Chief of Staff, Lt. Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. na bago pa ang pamunuan ng Pangulong Benigno Aquino III ay naaprubahan na ang operasyon upang hulihin ang mga teroristang sina Marwan at Basit Usman.
Ayon kay Espina, hindi sa lahat ng panahon ay nakadepende ang kanilang trabaho sa “go signal” ng Pangulo.
“Kung lahat naman ang pangulo magbibigay ng go signal I don’t think that’s proper,” saad nito. “I mean that our job we have to do our job, we have to decide on it.”
Giit ni Espina, hindi sana ito nangyari kung nagkaroon lamang ng tamang koordinasyon.
Hanggang ngayon ay malaking katanungan sa kaniya kung bakit hindi siya sinabihan sa napakapeligrosong operasyon ng kanyang mga tauhan.
Aminado rin si Espina na maituturing na “krisis” sa pambansang pulisya ang pagkamatay ng 44 na miyembro ng PNP-SAF.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang nila ang resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry upang mapanagot ang mga may sala.
“I assure later now we will find justice to our people. Idemanda natin mga pumatay sa tauhan natin after BOI.”
Muling nanawagan si Espina na isauli sa kanila ang mga baril ng mga nasawing kasamahan na kinuha ng rebeldeng grupo.
“Pakiusap ko sa MILF, isauli nyo baril namin — that’s ours. Pinatay nyo mga tao namin, wag nyo na dagdagan,” saad pa ni Espina. (Grace Casin, UNTV News)