MANILA, Philippines – December 23, 2014 pa nang magpulong sina dating PNP Special Action Force head Police Director Getulio Napeñas Jr. kasama sina AFP Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Rustico Guerrero, 6th Infantry Division head Maj. General Eduardo Pangilinan at Philippine Air Force (PAF) 3rd Air Division Commander Major Gen. Emeraldo Magnaye.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Gregorio Pio Catapang Jr., ito ay upang pag-usapan ang detalyadong tactical operation sa paghuli sa dalawang high-valued targets na sina Malaysian terrorist Zulkifli Abdhir alyas Marwan at Pilipinong bomb maker na si Basit Usman.
Subalit, wala umanong naging resulta ang nasabing pagpupulong dahil hindi naman naidetalye ni Napeñas ang eksaktong tactical planning sa kanilang nakatakdang January 25 operations.
Ayon kay Catapang, mahalaga ang tactical planning upang matiyak ng militar kung kailan, saan at papaano sila kikilos o magre-reinforce sa nasabing operasyon.
Support role sana ang naging trabaho ng AFP sa nasabing PNP-SAF law enforcement operation sa Mamasapano.
“I was told by General Guerrero that Gen. Napeñas did not discuss, there was no coordination in as much as the intelligence chief was not around to discuss the concept of the operations,” ani Catapang.
January 25, ala-6 ng umaga nang magkaputukan at maipit ang 84th at 55th PNP-SAF units sa mga MILF, BIFF at iba pang armadong grupo sa dalawang magkahiwalay na encounter sites sa Mamasapano, Maguindanao.
Subalit, hindi aniya maituro ng mga naiwang SAF member sa militar kung saan ang eksaktong lugar ng kanilang mga kasamahang naipit sa engwentro.
Dahilan upang hindi agad makapasok ang mga rumespondeng militar.
Ayon kay Catapang, inabot pa ng maraming oras bago mapahinto ang bakbakan ng PNP-SAF, MILF, BIFF at iba pang armed groups.
“I think it really took time for the forces to put a stop on the fighting,” anang heneral.
Alas-11:30 na noong Enero 25 nang makuha ang lahat ng katawan ng mga nasawing PNP-SAF commandos.
Nagsumite na ng fact-finding report ang AFP kay Pangulong Benigno Aquino III.
Maglalabas naman ang AFP ng komprehensibong timeline o pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa madugong bakbakan para sa publiko.
Muli namang iginiit ni General Catapang na walang nalabag na chain of command si Pangulong Aquino sa Mamasapano clash.
Ang problema aniya ay ang kakulangan ng koordinasyon sa pagitan ng PNP-SAF sa AFP. (Rosalie Coz, UNTV News)