Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Napeñas, inilahad kung paano isinagawa ang plano vs. Marwan

$
0
0

Former Special Action Force chief Police Director Getulio Napeñas Jr. (UNTV News)

MANILA, Philippines – Idinitalye ni dating Special Action Force chief Police Director Getulio Napeñas Jr. kung paano pinlano ang paghuli sa teroristang si Zulkifli Abdhir alyas “Marwan”.

Ayon kay Napeñas, Dec. 2010 pa lamang nang umpisahan nila ang pagtugis kay Marwan sa Sulu.

July 14-16 2012 nang muling nagsagawa ng operasyon sa Lanao Del Sur subalit nakatakbo ang mga ito dahil namalayan ni Marwan at mga kasamahan nito ang paparating na SAF troopers.

Dec. 17, 2012 nang muling binalak ng SAF ang paghuli kay Marwan na nasa Mamasapano, Maguindanao.

Nakipag-coordinate sila sa AFP Eastern Mindanao Command at humingi ng helicopter at tangke, subalit hindi nagbigay ang AFP kaya’t di natuloy ang operasyon.

April 25, 2014 binuo ang Oplan Wolverine. Ayon kay Napeñas, muli silang nakipag-coordinate sa 6th Infantry Division at Joint Special Operations Group (JSOG).

May naka-prepare aniya silang konsepto at mayroon din ang Philippine Army, subalit napagkasunduan na ang konsepto ng SAF ang gamitin sa paghuli sa dalawang terorista.

Madaling araw pa lamang ay lumalakad na ang SAF, subalit muling inabort ang mission dahil wala na namang suporta ng Philippine Army.

May 30, muling plinano ang operasyon dahil nag-usap na si PNP Chief Dir. Gen. Alan Purisima at Maj. Gen. Romeo Gapus, ang commander ng 6th ID, subalit hindi agad sila makakilos dahil may aktibidad ang 118th Base Command ng MILF na malapit sa lugar na pinagtataguan ni Marwan.

June 10 nang magsagawa ng operasyon ang 6th ID mechanized brigade laban kay Marwan subalit ang asawa lamang nito ang kanilang nadakip.

Noong Agosto, naibigay na sa kanila ang lokasyon ni Marwan na mula sa Libutan ay lumipat ng Pidsandawan.

Ayon pa kay Napeñas, buwan ng Nobyembre nang makuha ng kanyang tauhan ang detalye tungkol kay Marwan kayat inilunsad ang Oplan Terminator subalit inabort ang mission dahil sa nasirang bangka na sasakyan sana ng mga operatiba.

December 12, 2014, kumuha na sila ng tactical boat mula sa Zambonga ngunit nagkaroon ng encounter habang nasa ilog kaya’t muling iniurong ang operasyon.

Nilinaw ni Napeñas na proyekto ito ni Gen. Purisima, kaya’t lahat ng kilos nila ay alam nito at hawak din nito ang tinatawag na “Intel pocket”.

Bahagi rin umano ng police operational procedure number 4 ang ginagawang pagrereport niya kay General Purisima.

January 25, 2015, inilunsad ang Oplan Exodus kung saan pinasok ng SAF ang pinagtataguan ni Marwan sa Pisandawan. Napatay umano si Marwan subalit nalagasan din sila ng walo sa 41 assault team mula sa 84th Command.

Habang 35 naman ang napatay sa Tukanalipao mula sa 36 blocking team ng 55th Command.

Ayon kay Napeñas, mission accomplished ang kanilang operasyon dahil napatay si Marwan at itataya niya ang kanyang posisyon kung hindi totoong napatay ito.

“Itataya ko, magre-resign na ko kung di si Marwan yung target, napakalaki ng kredibilidad na siya yung target na namatay don sa operasyon na yun,” giit nito.

Inamin din ng heneral na sinabihan niya si Espina habang nasa area na sila sa utos ni Purisima.

Dahil sa kabiguan ng AFP na magbigay suporta sa mga naunang plano ng operasyon ay hindi na umano nila ipinaalam ang isasagawang operasyon.

Idinagdag pa ni Napeñas na nalalaman din agad ng kalaban kapag ipinapaalam nila sa AFP ang kanilang operasyon.

“Yung koordinasyon ay pwede ng before o during sa kadahilanan na nagkakaroon ng compromise & NBSP; kapag nagko-coordinate kami doon sa military sa lugar dahil kapag naghahanda sila ay namo-monitor na agad, napakataas ng pagmo-monitor ng mga taong ito kaya’t hanggang ngayon ay buhay pa sila at di nakukuha,” saad pa ni Napeñas.

Sinabi pa nito na napaslang man sa operasyon ang 44 na SAF commandos ay libong buhay naman ang maliligtas sa pagkasawi ni Marwan.

Panawagan ni Napeñas, purihin ang “Fallen 44” dahil siniguro ng mga ito na payapa nang makapamumuhay ang bawat isa dahil napatay nila ang international terrorist na si Marwan. (Lea Ylagan, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481