Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Isang SAF member na nakaligtas sa Mamasapano clash, nagkwento ng karanasan

$
0
0

(Left – Right) Si UNTV Davao Reporter Dante Ameno habang kinakapanayam ang isang miyembro ng PNP-SAF na nakaligtas sa naganap na Mamasapano clash noong Enero 25, 2015. (UNTV News)

PANABO CITY, Philippines – Inilibing na si SPO1 Lover Inocencio sa Panabo Memorial Park, ang isa sa mga napatay na miyembro ng PNP-Special Action Force sa madugong bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao.

Ayon kay Winnie Inocencio, nakababatang kapatid ni SPO1 Inocencio, pitong taon na niyang hindi nakikita ang kapatid kaya’t napakasakit sa kanya ng pangyayari.

“Pabilisin ang hustisya, dahil napakasakit pagmasdan at tingnan ang aking kapatid. Hindi ko matanggap ang pagkamatay ni kuya dahil nag-usap sana kaming mag-reunion ngayong Mayo pero paano na kami mag-reunion, patay na siya,” emosyonal na pahayag ni Winnie.

Muling hiniling ng mga ito ang mabilis na aksyon ng pamahalaan upang mabigyang hustisya ang pagkasawi ng tinaguriang “Fallen 44”.

Bukod sa kanyang pamilya at kaanak, dumating din ang ilang kasamahan sa SAF ni SPO1 Inocencio na bumiyahe pa mula sa Zamboanga City.

Naroon din ang kaklase ni Inocencio at nakaligtas sa Mamasapano clash, subalit tumangging magpakilala.

Aniya, nawalan na siya ng pag-asang mabuhay nang makita niya ang mga kasamahan na isa-isang tinamaan ng bala kabilang na si SPO1 Inocencio.

“Mga alas-3 higit na, bumagsak na yung mga kasamahan namin. Ito na si Lover, namatay na dun. Nag-decide na ako doon. Sir, hindi na ako aalis dito, hindi na ako tatakbo dito, hintayin na natin dito ang reinforcement. Hold the line na tayo, kinuha ko na yung magazine ko, nilagay ko na sa pouch ko, granada ko, ginapang ko yung mga patay kinuha ko na yung mga magazine ng mga patay pandagdag dun,” pahayag ng kasamahan ni SPO1 Inocencio.

Kwento pa nito, marami din sa kanyang kasamahan ang naubusan na ng dugo dahil sa tagal ng reinforcement.

Mahigit labindalawang oras umano ang kanilang pakikipagpalitan ng putok sa halos isang libong kalaban, at hating gabi na nang dumating ang reinforcement.

Aminado din itong hindi nila kabisado ang lugar na kanilang napuntahan.

“Wala kang mataguan na iba kundi maisan. Yung mataas, doon ka gapang. Iwasan mo gumagalaw yung maisan kasi pag gumagalaw ka, mayamaya may pumuputok,” saad pa ng survivor.

Panawagan nito ay hustisya sa mga kasamahang nagbuwis ng buhay para sa bayan.

Samantala, daan-daan ang nakiisa at nakidalamhati sa libing ni PO2 Godofredo Cabanlet sa Providence Memorial Park sa Lanao Del Norte nitong Miyerkules ng umaga.

Kabilang dito ang mga miyembro ng PNP-SAF na nakabase sa Iligan City at Lanao Del Norte-PNP.

Nagkaroon ng 21-gun salute bilang pagpupugay sa nasawing SAF member.

Patuloy naman ang panawagan ng pamilya nito ng katarungan para sa mga nasawing SAF commando. (Dante Amento, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481