MANILA, Philippines – Tinulungan ng UNTV News and Rescue Team ang tricycle driver na nasugatan matapos makabanggaan ang isang sports utility vehicle o SUV sa United Nations Avenue, corner Marcelino Street, Ermita, Manila pasado alas-3 ng madaling araw ng Biyernes.
Nakatagilid at wasak ang tricycle samantalang may tama ang tagilirang bahagi ng SUV.
Nagtamo ang tricycle driver na kinilalang si Winston Mabana, 53 anyos, ng gasgas sa ulo, binti at kamay.
Matapos ang assessment, kaagad kinuhaan ng News and Rescue Team ng vital signs si Mabana at agad nilapatan ng pang-unang lunas ang tinamo nitong mga sugat.
Tumanggi namang magpadala pa sa ospital si Mabana matapos malapatan ng first aid.
Kasalukuyan namang nakahimpil sa Manila Traffic Bureau ang dalawang sasakyan para sa imbestigasyon. (Benedict Galazan / UNTV News)