MANILA, Philippines – Ayon sa batas, 85 porsyento ng makokolektang sin tax ay mapupunta sa Department of Health (DOH) para sa mga proyektong pangkalusugan.
Nitong 2014, ayon kay dating Health Secretary Enrique Ona, may 40-bilyong piso ang napunta sa DOH mula sa sin tax at ang mahigit 30-bilyong piso dito ay inilaan para i-enroll sa Philhealth ang mahigit 14-milyong indigent families.
Ang ibang pondo naman ay para sa pagsasaayos ng government health facilities gaya ng mga ospital at mga pagamutan na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan.
Ngunit para sa isang manggagamot, mas magiging maliwanag sa taumbayan kung saan napupunta ang nakokolektang sin taxes kung gagamitin ito sa pagtatayo at pagpapatakbo ng primary health care facilities sa mga komunidad.
Ayon kay Dr. Anthony Leachon, presidente ng Philippine College of Physicians (PCP), malaking bagay ang pagtatayo ng pasilidad para sa madali at libreng pagsangguni ng mga mahihirap nating mga kababayan sa mga manggagamot sa halip na magtungo pa sa mga pribado at mamahaling ospital.
Outpatient ang magiging sistema sa naturang primary health care facility na mayroon din diagnostics center at pharmacy.
“Bawat locality dapat may ganito hindi tuwing ma-admit na lang mali yun eh dapat may Philhealth din outpatient hindi lang Philhealth inpatient na yung card na yun ay manggagaling sa pondo ng bayan ang tawag sin tax,” paliwanag ni Dr. Leachon.
Sa pasimula, maaring maging volunteerism at rotational ang mga doktor mula sa mga pribado at pampublikong ospital.
Ang itatayong gusali at management nito ay popondohan naman ng koleksyon mula sa sin taxes.
Nais din ni Dr. Leachon na magsulong ng isang panukalang batas upang maipatupad ito sa buong bansa.
Ngunit ang Philhealth hindi pabor na gumawa pa ng ibang card para sa outpatient.
“We are already offering the revitalize, yung increased outpatient benefit package called tsekap,” saad ni Alex Padilla, presidente ng Philhealth.
Nitong Miyerkules, isang klinika ang pinasinayaan sa lungsod ng Maynila na may katulad na template.
“Mayroon kaming free doctors naka-tie up po kami sa Chinese General Hospital, Manila Medical Center at sa Manila Doctors at saka maraming mga volunteer doctors mga pediatrician, surgeon at optha. Pagka-galing dito bibigyan ng reseta takbo sa pharmacy namin. Libre naming ibinibigay kahit papaano tumutulong kami sa gamot. By March 1 bubuksan namin yung diagnostics, ultrasound, ECG at blood analysis lahat ng klase tungkol sa blood,” pahayag ni Manila City 5th District Rep. Amado Bagatsing. (Victor Cosare / UNTV News)