MANILA, Philippines — Naungusan ng awiting “Pagtitiwala ng Puso” ang mga awiting kalahok sa ikatlong weekly elimination round ngayong Hulyo sa A Song of Praise (ASOP) Music Festival, Linggo ng gabi, July 21, 2013.
Hinirang bilang “song of the week” ang komposisyon ni Antonio Gan Jr. na inawit ng passage vocalist na si Mark Laygo.
“Salamat. Unang-una sa Dios sa pagkakabilang ko po rito at pagkakapanalo, at syempre napakalaking bagay po ‘yung marinig ko po ‘yung comments po ng atin pong mga judges at napakalaki pong bagay ‘yun para ma-improve po ‘yung paggawa ng awit,” pahayag ni Antonio.
Malaki naman ang pasasalamat ni Mark Laygo sa ASOP dahil nabibigyan ng pagkakataon ang katulad niyang singer na nais bumalik sa industriya.
“Nagpapasalamat din naman ako na merong mga ganitong programa na nabibigyan ng avenue ‘yung ganyan kasi nga kailangan din natin. Tsaka parang napili ako na hindi ko naman in-expect uli na mangyayari.”
Hindi naman pinalad na manalo ang mga awiting “Pinupuri Kita at Sinasamba” ni Wilfredo Gaspar sa rendisyon ni Jan Nieto at “A Song of Praise” ni Jay Alvin Consigo sa interpretasyon ni Daryl Ong.
Naupo naman kasama ni Mon Del Rosario bilang hurado sina Direk Carlos Siguion Reyna at ang sikat na pop rock singer noong dekada otsenta na si Lou Bonnevie. (Adjes Carreon / Ruth Navales,UNTV News)