QUEZON CITY, Philippines — Hindi tanggap ng Quezon City Police District ang naging desisyon ng Quezon City Prosecutors Office na palayain for further investigation ang sampung raliyista na nanggugulo sa may Commonwealth Avenue ilang oras bago ang SONA ng Pangulo.
Ayon kay QCPD District Director Chief Superintendent Richard Albano, kumpleto sila ng mga ebidensya at kitang kita sa video footages ang pambabato ng mga ito kaya’t nakapagtatakang binalewala ng korte ang mga reklamo nila laban sa mga raliyista.
“Harapan na sila ay nakikipagpaluan, harapan na sila ang nauna kaya nga nakuha eh, sila ang nambabato, meron tayong mga video personal at ang media may video.”
Gayunman, sinabi ni albano na aapela sila sa prosecutor’s office upang malaman kung ano ang kulang sa mga ebidensya at kung ano ang naging problema sa kanilang operasyon.
“Ano pa ba ang kulang para mapag-aralan namin at alam namin ang aming sunod na gagawin,” pahayag ng QCPD Chief.
Kabilang sa mga nahuli ay mga miyembro ng Anakbayan, MIGRANTE, AGHAM Youth, PISTON, Sinagbayan, UP student/s at Anakpawis.
Samantala, inuumpisahan na rin ng Commission on Human Rights ang kanilang imbestigasyon kaugnay ng sagupaan ng pulis at raliyista sa SONA.
Pahayag ni CHR-NCR Senior Investigator Jun Nalangan, “Magga -gather kami ng mga documents at mag-interview ng persons involved kung ano ang kanilang mga version.” (LEA YLAGAN, UNTV News)