DAVAO CITY, Philippines — Naging magulo ang pagbubukas ng unang araw ng voter’s registration para sa Barangay at SK elections sa tanggapan ng Comelec dito sa Davao City nitong Lunes.
Sa pagbubukas ng registration, tila hindi magkandaugaga ang Comelec employees sa pagsaludar sa mga kabataan at mag-aala singko na ng hapon kahapon ay hindi pa rin tapos ang registration.
Aminado naman ang COMELEC – Davao na hindi nila napaghandaan ang pagdagsa ng maraming registrants sa nitong Lunes dahil nasanay na rin silang walang nagpupunta sa kanilang tanggapan kapag unang araw ng pagpaparehistro.
Ayon kay Atty. Monaliza Mamukid, ang election officer ng District 2 ng lungsod , ikinagulat nila ang dami ng mga registrants na karamihan ay dala ng kanikanilang mga barangay officials kayat nahirapan ang mga kawani ng komisyon na masaludar ang mga ito.
Sa pila pa lang ay agawan na ang mga tao at nag-uunahang makapasok sa Comelec office.
May isang babae pang hinimatay dahil sa init at tulakan sa pila.
Hiling ng mga regsitrants sa Comelec an magpatupad ng maayos na sistema sa pila.
Nakabantay naman ang mga pulis mula sa Davao City Police Office na sila na ring nagmamando at nagbabantay sa pila.
Sa mga susunod na mga araw tiniyak ng Comelec na magiging maayos na ang sistema at maglalagay na rin sila ng tents sa labas ng tanggapan upang may masilungan ang mga magpaparehistro.
Nagpaalala din ang Comelec na dalhin ang mga kinauukulang dokumento upang hindi na sila magpapabalik balik sa kanilang pagpaparehsitro.
Pahayag ni Atty. Mamukid, “Sa mga SK applicants, kailangan lang yung birth certificate, baptismal certificate or school records na nagpapatunay na talaga yung age nila ay qualified sila as SK applicants. And for regular registrant, kailangan lang nila yung 2 valid ID and then kung magpa-change ng status — marriage certificate and birth certificate.” (LOUEL REQUILLMAN, UNTV News)