Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

AFP, kinumpirma ang sagupaang MILF at BIFF sa Maguindanao

$
0
0

AFP Public Affairs chief Lt. Col. Harold Cabunoc (UNTV News)

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagka-engkuwentro ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Brgy. Kabasalan, Pikit, Cotabato at sa Pagalungan, Maguindanao.

Ayon kay AFP Public Affairs chief Lt. Col. Harold Cabunoc, “show of force” o pagpapakita ng pwersa ang tinitingnang dahilan ng serye ng engkwentro ng dalawang grupo.

Sinasabing noong nakaraang linggo pa nagsimula ang bakbakan ng dalawang magkaalyadong grupo.

“Pagkatapos ng insidente sa Mamasapano, kung saan nagkaroon ng show of force ang tropa ng MILF sa Kabasalan. Demonstration between the two groups, MILF at BIFF,” ani Cabunoc.

Tig-isa naman ang nasawi sa panig ng MILF and BIFF sa nangyaring engkuwentro noong Sabado.

Isang nagngangalang Commander Jack Abas ang nanguna sa MILF Eastern Front, at nakasagupa nito ang grupo ni Kumander Karyalan ng BIFF.

Dahil dito ay napilitang lumikas sa mga evacuation center ang may isang libong pamilya na apektado ng sagupaan.

Sa ngayon ay umaasa lamang ang mga lumikas na residente sa relief goods na ibinibigay ng pamahalaan ng Pangalungan at Pikit.

“Nag-distribute ng relief goods yung ating mga kasundaluhan bilang suporta sa locale government ng Pikit,” pahayag ni Cabunoc.

Samantala, nasawi naman ang dalawang miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group habang sugatan ang tatlo pang kasamahan sa isinagawang operasyon ng militar sa Al Barka, Basilan.

Anim naman ang nasugatan sa panig ng mga sundalo.

Nasugatan rin ang limang sibilyan matapos gawing human shield ng mga bandido.

Kaagad namang dinala ng mga sundalo sa pinakamalapit na ospital ang mga nasugatang sibilyan.

Ayon sa AFP, nananatiling naka-heightened alert ang hanay ng militar at pulisya dahil sa mga serye ng kaguluhan sa Western Mindanao.

Tuloy rin ang pursuit operations ng dalawang security force ng bansa laban sa teroristang si Basit Usman at iba pang rebeldeng grupo. (Rosalie Coz / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481