MANILA, Philippines – Naging emosyonal si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-24 na anibersaryo ng pagkatatag ng Philippine National Police ngayong araw ng Lunes, Pebrero 16.
Hindi nagawang itago ng kalihim ang sakit na nadarama sa pagkamatay ng 44 miyembro ng PNP SAF sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Sa unang bahagi ng kanyang talumpati, ipinagmalaki nito at pinasalamatan ang mga pulis dahil sa tagumpay ng “Oplan Lambat Sibat” kung saan patuloy na bumababa ang krimen sa Metro Manila.
Mula sa mahigit isang libong kaso ng theft, robbery, at carnapping ay bumaba ito sa 436 noong nakaraang linggo.
Nasa 140 na rin ang nahuli mula sa 440 na pinaghahanap ng batas Kaugnay nito ay pinarangalan rin ang mga tauhan at opisyal ng PNP na nagampanan ng maayos ang kanilang tungkulin.
Binigyang pugay din ang mga namayapang pulis sa pamamagitan ng wreath laying ceremony at 21 gun salute sa Bantayog ng mga Bayaning Tagapamayapa.
Paalala ni Roxas sa mga pulis na laging isaisip ang pagsasakripisyo ng SAF commandos sa pamamagitan ng pagtatrabaho na may dignidad upang paglingkuran at protektahan ang sambayanan.
“Ginawa nila ang kanilang trabaho, we honor them everyday by likewise doing our work professionally, competently, responsibly to serve and to protect,” ani Roxas.
Sa huli, emosyunal na hiniling ng kalihim na muling awitin ang Lupang Hinirang sa ikalawang pagkakataon bilang alay sa pagkamatay ng SAF 44 sa halip na isagawa ang tradisyunal na pass and review.
“I think their is no more fitting way that we can honor our “Fallen” than to re-dedicate ourselves to the flag for which they fought and die,” saad pa ni Roxas.
Samantala, ipinahayag ni PNP OIC Police Deputy Director General Leonardo Espina na paiimbestigahan nito ang balitang may mga sumablay na gamit ang SAF troopers habang nakikipaglaban sa mga rebeldeng grupo.
“Ang sinasabi ay yung M203, tingnan muna natin kasi may cyclic rate yan eh, granada propelled by rifle, tingnan natin kung full na ba yung cycle for it to be arm, pina-review ko na yan sa Director for Logistics because its already raise also,” ani Espina. Tumanggi naman ang heneral na magkomentaryo sa lumabas na resulta ng medico legal kung saan 27 sa 44 na nasawing SAF ay binaril sa ulo. (Lea Ylagan / UNTV News)