MANILA, Philippines – Oras na matapos ang executive session ukol sa Mamasapano encounter, rerebyuhin na ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang mga nakalap nilang impormasyon.
Ang nasabing executive session ay sinimulan noong Huwebes kung saan unang sumalang ang mga survivor sa Mamasapano incident.
Nitong Lunes, halos limang oras ang itinagal ni dating SAF Director Getulio Napeñas sa pagdinig.
Ngayong araw naman ay sumalang sina PNP Intelligence Group Director Fernando Mendez at resigned PNP chief Alan Purisima.
Ayon sa chairperson ng komite na si Senador Grace Poe, pagkatapos ng executive session at nakuha na ang mga statement ng resource person ay maaari na silang gumawa ng partial committee report.
Kaya partial committee report ay dahil may mga on going revelations pa sa Mamasapano incident na makatutulong sa paggawa ng ulat ng komite.
“After we finished, pag natapos na yung pangatlong executive session today at kung tapos na talaga yung executive session, the committee will come out with the report kung ano yung mga pwedeng ilabas sa publiko,” pahayag ni Sen. Paolo Benigno Aquino IV.
Naniniwala si Senador Bam Aquino na dapat munang tapusin ang imbestigasyon sa Mamasapano clash saka bumalik upang tutukan ang proposed Bangsamoro Basic Law (BBL).
“I think yung kapayapaan sa Mindanao hindi pwedeng mawala, yun yung hindi natin pwedeng pakawalan,” saad pa ng senador.
Iginagalang naman ng palasyo ng Malakanyang ang executive session na isinasagawa ng Senado sa halip na idaan ang lahat ng impormasyon sa public hearing lalo na kung may kinalaman sa national security.
“Mismong yung kanilang pagpapasya ng senado na magdaos ng executive sessions ay bilang pagkilala nila sa aking pananaw na mayroong mga maseselang mga paksa na mas mainam ay talakayin sa isang executive session,” pahayag ni Communications Secretary Herminio ‘Sonny’ Coloma Jr. (Bryan De Paz / UNTV News)