Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Tatlo pang pasyente na hinihinalang may MERS-CoV, negatibo sa virus

$
0
0

FILE PHOTO: Captured image at NAIA thermal scanner in March 2014 (UNTV News)

MANILA, Philippines – Ligtas na sa banta ng Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV) ang tatlo pang pasyente na binabantayan ng mga doctor matapos makitaan ang mga ito ng ilang sintomas ng sakit.

Kasama sa tatlong pasyente ang isa sa mga nakasalamuha ng Filipina nurse na nagpositibo sa naturang sakit nang dumating sa bansa mula sa Saudi Arabia.

Gayunman, naka-confine pa ang Pinay nurse sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Laguna dahil sa kanyang pneumonia.

Samantala, kahit negatibo na sa sakit ang dalawa na nakasakay ng nurse sa eroplano pauwi ng Pilipinas ay kailangan pa ring sumailalim ang isa sa mga ito sa iba pang medical tests upang masiguro na ligtas sa nakamamatay na sakit.

Patuloy namang minomonitor ng Department of Health (DOH) ang kondisyon ng Filipina nurse na naka-confine pa rin sa RITM.

Ayon sa DOH, isasailalim pa rin sa mga pagsusuri ang naturang nurse upang masiguro ang kaligtasan nito at ang sanggol na kanyang ipinagbubuntis.

Noong linggo ay natapos na ang contact tracing ng DOH sa iba pang mga pasahero ng Saudia Airline Flight 860 makalipas ang 14-day incubation period.

Dahil ayon kay acting Health Secretary Janet Garin ay tapos na ang 14-day incubation period ng virus.

Ibig sabihin, wala nang tiyansa na madevelop pa ang MERS-CoV sa mga pasahero ng naturang flight.

“The exposure was on February 1, at kung bibilangin natin ang 14 na araw natapos na siya ng February 15,” pahayag ni DOH Spokesperson Dr. Lyndon Lee Suy.

“But then for those other passengers na yun na we may not be able to contact, at kung may mararamdaman, gusto pa rin natin na makipag-coordinate sila,” dagdag nito.

Muli namang iginiit ng DOH na walang dapat ikabahala ang publiko sa MERS-CoV dahil ginagawa na ng kagawaran ang lahat ng hakbang upang hindi kumalat ang virus.

Samantala, nilinaw naman ni Dr. Lyndon Lee Suy, ang balita kaugnay ng umano’y kaso ng MERS CoV sa isang OFW na umuwi sa North Cotabato.

Sinasabing nagmula ang naturang nurse sa Jordan na nagpakita rin umano ng mga sintomas ng MERS-CoV.

Paliwanag naman ng doktor, hindi ito MERS-CoV kundi upper respiratory problem lamang.

Hinikayat naman ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) ang mga OFW na magmumula sa Middle East na sumailalim muna sa pagsusuri bago umuwi sa Pilipinas.

“Himukin sila na magkaroon sila ng MERS-CoV testing at least two weeks before they depart for the country,” pahayag ni Dr. Josefino Torres, officer-in-charge ng OWWA.

Muling iginiit ng DOH na walang dapat ikabahala ang publiko dahil ginagawa na ng kagawaran ang lahat ng mga hakbang upang hindi kumalat ang nakamamatay na sakit. (Joan Nano / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481