MANILA, Philippines – Nagbabala ang liderato ng Philippine National Police sa mga tauhan nito na lalahok sa anomang uri ng rally, maging ito man ay pro o anti-government.
Kasunod ito ng sunod-sunod na mga kilos protesta hanggang sa araw ng selebrasyon ng EDSA People Power sa Pebrero 25 mula sa mga grupong nais nang pababain sa pwesto si Pangulong Aquino na balitang sasamahan ng ilang pulis na mababa na ang morale.
Ayon kay PNP PIO chief, Police Chief Supt. Generoso Cerbo, non-partisan ang mga tauhan ng PNP kaya’t bawal sa mga ito na sumama sa anomang rally.
“Sa parte po ng PNP ay hindi po pwedeng gawin yan, hindi sila pwedeng mag-join ng mga anti government rallies,” ani Cerbo.
Sinabi pa ng heneral na mataas ang morale ng mga pulis sa kabila ng nangyari sa SAF44.
Nilinaw nitong nakikita lamang ang mga pulis sa mga rally upang magbantay sa seguridad bilang bahagi ng kanilang trabaho subalit hindi upang lumahok sa mga programa ng iba’t ibang grupo.
“Wala kaming nararamdaman na ganon, bagkus yung organisayon ay lalong lumalakas at lalong naging mas matibay,” pahayag pa ni Cerbo.
Samantala, pinaalalahanan din ni Justice Secretary Leila de Lima ang mga nagsasagawa ng pagkilos laban sa administrasyon.
Sa pagdalaw ng kalihim sa Camp Crame, sinabi nito na iginagalang ng pamahalaan ang karapatan ng bawat isa sa pagpapahayag ng kanilang damdamin subalit ibang usapan na aniya kung ito ay isang coup d’état.
Iginiit ng kalihim na sa simpleng panghihikayat ng iba’t-ibang grupo para sa pagpapatalsik sa pwesto sa Pangulo ay maaari nang makasuhan ng rebelyon at sedisyon.
“There are provisions of criminal laws just a mere conspiracy to commit coup d’état to commit rebellion is already punishable,” saad nito. (Lea Ylagan / UNTV News)