MANILA, Philippines – Nagsimula nang bumiyahe ngayong Lunes ang pink UV Express ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na naglalayong maserbisyuhan ang mga matatanda, babae, may kapansanan at mga bata sa tuwing rush hours.
“Alam naman natin kunyari sa may kapansanan, pipila pa diba? Kawawa naman. So itong mga volunteer na UV Express Unit service na ito meron silang sariling pilang pink lane,” pahayag ni LTFRB Board Member, Atty. Antonio Enrile Inton Jr.
Ikinatuwa naman ito ng ating mga kababayan.
Ayon kay Noralyn Dumayas, “Ok yun, para di mahirapan yung mga bata at matanda sumakay.”
“Tama lang po yun, para maano naman dun sa mga matatanda, para mabilis,” saad naman ni Sosema Mendoza.
Dalawampu’t tatlong (23) units ang bibiyahe mula Tandang Sora hanggang Kalaw tuwing umaga, habang simula sa Trinoma hanggang Tandang Sora naman sa hapon.
Ang UV Express ay kulay puti na may sticker o tarpaulin na kulay pink sa harap at nakakulay pink naman na uniporme ang driver.
Nilinaw naman ng LTFRB na maari ring sumakay ang mga lalaking pasahero kapag hindi rush hour.
Sa mga oras lamang na ala-6 hanggang alas-9 ng umaga at alas-4 ng hapon hanggang ala-7 ng gabi hindi maaring sumakay ang mga lalaking pasahero.
Ang pink UV Express ay inilunsad ng LTFRB sa Tandang Sora, Quezon City noong Sabado.
Plano naman na madagdagan pa ito ng 20 units sa mga susunod pang mga araw. (Bernard Dadis / UNTV News)