MANILA, Philippines – Inamin ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Gregorio Pio Catapang Jr. na apektado ng Mamasapano incident ang moral ng kanilang mga tauhan.
“Labis pong naapektuhan ang morale ng ating mga kasundaluhan,” pahayag ni Catapang ngayong Lunes sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa Mamasapano shooting incident.
Ayon sa heneral, sa kaniyang pagdalaw sa mga army unit nitong mga nakalipas na linggo, tinatanong siya ng mga sundalo kung bakit tila AFP pa ang nasisisi sa pagkamatay ng 44 PNP-SAF troopers samantalang rumesponde naman ang mga militar nang humingi ito ng reinforcement sa kanila.
Bunsod nito, hiniling ni Catapang na magkaroon ng executive session ang Senado sa AFP upang makapagbigay ng pahayag ang mismong mga ground commander na kabilang sa pagresponde at pag-rescue sa SAF commandos na napalaban sa Mamasapano noong Enero 25.
Muli namang iginiit ng mga opisyal ng militar sa pagdinig na hindi sila masisisi sa oras at uri ng reinforcement na naibigay nila noong Enero 25 dahil gipit na rin sa oras nang maibigay sa kanila ang impormasyon.
“Wala po kaming picture kung ano po ang extent nung encounter ng SAF” What I informed the President, is I already gave guidance to the commander of 6th Infantry Division,” Lt. Gen. Rustico Guerrero ng Western Mindanao Command (WESMINCOM).
“Di po kayang pumasok ng tangke sa kaloob-looban dahil ito po ay swampy area, malambot po at lulubog po ang ating mga tangke kaya po ang ating tangke ay nanatili lamang sa highway dahil matigas ang lupa doon,” paliwanag naman ni Major General Edmundo Pangilinan, Commander ng 6th Infantry Division ng Philippine Army.
Naniniwala naman ang ilang senador na sapat na ang impormasyong nakalap hinggil sa kakulangan ng koordinasyon ng AFP at PNP noong Enero 25.
Mas makabubuti rin anila, kung tapusin na ang sisihan at pagtuturuan upang hindi na maapektuhan pa ang morale ng mga tauhan ng security force ng bansa.
Kaya pansamantala ring sinuspinde ang Senate hearing ngayong araw upang bigyang-daan ang executive session na hiniling ng AFP sa mga mambabatas at muling itutuloy ang panglimang pagdinig, umaga ng Martes.
Samantala, 90% complete na ang ulat ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa kanilang ginagawang imbestigasyon sa kanilang mga miyembro kaugnay ng Mamasapano shooting incident.
Gumagawa na lamang ng validation ang pamununan ng MILF upang matapos na ito.
Subalit, kung sakaling matapos ay hindi pa anila agad ito maisusumite sa Senado.
“We are still discussing within the leadership of the MILF of how to proceed with the findings of the investigations,” pahayag ni MILF Peace Panel Chairman Mohagher Iqbal.
Ibig sabihin, hindi pa rin malinaw sa ngayon kung handa ngang isuko ng MILF ang mga tauhan nilang sangkot sa madugong engkwentro. (Rosalie Coz / UNTV News)