Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

CHED, wala pang inaaprubahang tuition increase sa SY 2015-2016

$
0
0
(Source: CHED)

(Source: CHED)

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng Commission on Higher Education (CHED) ang isinumiteng datos ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) na may 400 state colleges at universities ang aprubado nang magtaas ng matrikula sa susunod na pasukan.

Ayon kay CHED Executive Director Atty. Julito Vitrolio, nasa 20 percent pa lamang ng mga kolehiyo at unibersidad ang nagsusumite ng aplikasyon para sa tuition increase at wala pa itong inaaprubahan kahit isa.

“Wala pa naman tayong ina-approve kasi hindi pa tapos ang consultation process, hindi pa lahat nagsa-submit lahat ng mga dokumento,” saad ni Vitrolio.

Nilinaw ng CHED na noong School Year (SY) 2013-2014 ay inaprubahan nila na makapagtaas ng tuition ang 354 mula sa 451 private higher education institutions.

Ngayong SY 2014-2015, 287 sa 345 naman sa nagpasa ng aplikasyon ang naaprubahan.

Ayon sa CHED, sa Abril pa sila magbibigay ng mga approved applications para sa SY 2015-2016.

Ang deadline sa pagsusumite ng aplikasyon para sa tuition increase ay sa Marso 31.

Nilinaw naman ni Vitriolo na hindi inaaprubahan ang tuition increase application na walang kinalaman sa academics ng mga estudyante.

“Iyong mga fees ngayon na hindi directly related sa instruction, malamang madis- approve lalo na iyong mga development fees na napaka-general hindi mo malaman kung saan gagamitin eh, banned na iyan, ipinagbabawal na iyan,” saad nito.

Nitong Lunes, ipinahayg ni Rep. Terry Ridon na hindi dapat payagan ng CHED ang limang top private universities na magtaas ng matrikula dahil sa bilyon-bilyong kinikita ng mga ito taon-taon.

Sa tala ng Securities and Exchange Commission (SEC), kumita ang Far Eastern University (FEU) ng P1.7 billion noong 2013 at P1.5 billion noong 2014.

Kumita naman ang Ateneo De Manila University (ADMU) ng P2.9 billion sa taong 2013 at 2014.

Ang University of the East naman ay kumita ng P1.9 billion sa taong 2013 at 2014.

Noong 2012, ang University of Santo Tomas (UST) ay may revenue ng mahigit P3.4 billion mula sa tuition at school fees ng mga estudyante, habang kumita naman ng P2.3 billion ang De La Salle University (DLSU).

Ayon kay Atty. Julito Vitriolo, 70 percent ng kinikita ng mga nasabing paaralan ay napupunta sa sweldo ng mga guro.

“Ito iyong mga unibersidad na may reputation in terms of excellence kaya they are maintaining ngayon iyong kanilang kita, if you alisin mo diyan iyong 70% eh napupunta sa teachers’ salaries iyan hindi lang siguro 70% and then the rest makikita mo equipment and facilities eh magaganda they also improve, use part of that.”

Ipinaliwanag ng CHED na ang kanilang pangunahing batayan sa pag-apruba ng mga aplikasyon para sa tuition increase ay kung mapupunta ito sa pagsasaayos ng kalidad ng edukasyon ng mga estudyante at sa sahod ng mga guro. (Aiko Miguel / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481