MANILA, Philippines – Dinaluhan ng iba’t ibang grupo ang isinagawang public consultation ngayong Huwebes para sa hiling na taas pasahe sa Philippine National Railways (PNR).
Distance-based fare ang singil sa PNR at magkakaroon ng minimum fare na P15.00 sa unang 14 kilometers, at P60.00 maximum fare hanggang Calamba, Laguna.
Dalawampung taon ng hindi nagtataas ng pasahe ang PNR at kailangan nilang ipatupad ito dahil sa pagkalugi.
Dumaing rin ang PNR na dapat sana ay mabigyan sila ng pamahalaan ng P15.00 na subsidiya sa bawat pasaherong sumasakay gaya sa MRT. Ito ay upang makatulong sa gastusin sa operasyon ng PNR.
Kumikita lamang ang PNR ng mahigit 300-milyong piso kada taon, kulang na kulang sa mga gastusin nito na umaabot ng mahigit 600-milyon kada taon.
Iginiit rin ng PNR na ang minimum fare na P10.00 ay halaga na lamang ng nabibili ng mahigit tatlong piso sa kasalukuyan batay sa 5.27% average inflation rate sa nakaraang 20 taon.
“Nakaka-survive kami pero sagad na kami, kung baga hindi na kami makakahinga kung hindi mag-increase ng kaunti. Ang hinihingi lang namin pantawid lang,” giit ni Joseph Alan Dilay, ang General Manager ng PNR.
Upang maiwasan rin ang pagkalugi dahil sa mga pasaherong hindi nagbabayad, gagawin ng automated ang ticketing system sa PNR mula sa manual.
Dumaing naman ang mga pasahero sa hindi magandang karanasan sa mga tren. Ayon sa mga commuter, hindi sila tutol sa taas pasahe basta’t mapaganda ang serbisyo ng tren.
“Gusto ko sana improve nyo collection kasi yung ticket na binibigay nyo computer generated madali gayahin, bakit hindi natin gayahin yung card na swipe malaking halaga pero makakasiguro na 100% ang collection,” pahayag ni Jose Ferrer.
Ayon naman kay Antonio Bernabe, “Hindi po kami tutol sa pagtaas ng pasahe sa PNR matagal na pong kailangan I think mga 20 years ko na narinig… ano pang improvement o benefit sa public ang aming aasahan.”
Tumutol naman ang mga militanteng grupo at sinabing bago magtaas ng pasahe ang PNR ay gawin muna ang mga dapat ayusin lalo na sa mga kakulangan sa mga pasilidad.
“Kung naka-survive ka ng 20 years allegedly walang budget and then binigyan ka ng budget na P2.3 billion mag-increase ka, anu basis dito,” pahayag ni Sammy Malunes, convenor ng RILES Network.
Samantala, suportado naman ng Malakanyang ang ginagawang hakbang ng PNR.
“Ayon sa ating Philippine development plan na siyang batayan ng ating programa ng pang-ekonomiya, kinakailangan na ang mga gumagamit ng serbisyo ay nagbabayad ng angkop na pamasahe, kaya’t sinusunod ng DOTC at ng PNR ang patakarang ito at yan din ang prinsipyong pinapairal sa pagtatakda ng fare structures sa PNR,” pahayag ni PCOO Secretary Sonny Coloma.
Matapos ang public consultation at maisagawa ang bidding para sa automated ticketing system ay hihintayin na lamang ang desisyon ng DOTC bago ipatupad ang taas pasahe.
Kung walang tututol sa dagdag pasahe, nais ng PNR na sa unang linggo ng Marso ay ipatupad na ang fare increase, subalit depende pa rin ito kung aaprubahan ng DOTC lalo na at humaharap sa kabi-kabilang batikos ang kagawaran dahil sa ipinatupad nitong fare increase sa MRT. (Mon Jocson / UNTV News)