QUEZON CITY, Philippines — Nakalabas na ng Philippine National Police General Hospital ang 13 sa 15 Special Action Force members na nasugatan sa Mamasapano operation noong Enero 25.
Ayon kay PNO-PIO Chief P/CSupt. Generoso Cerbo, kinumpirma ni PNPGH Spokesperson and Emergency Room Head Dr. Raymond Santos na ala-6 ng umaga nang lumabas ang mga ito sa ospital.
Ani Cerbo, fully-recovered na ang 13 SAF members at nangangailangan na lamang ng stress debriefing.
Matapos ang stress debriefing ay pagpapahingahin muna ang mga ito kasama ng pamilya at saka ibabalik na sa kanilang mga mother unit.
“Lumabas po sila sa ospital at nasa isang secured na lugar with their families. Doon po ginaganap ang kanilang final debriefing. After this debriefing, ire-release na po sila to their families,” pahayag ni PNP-PIO Chief P/CSupt. Generoso Cerbo.
Gayunman, sinabi ng heneral na dalawa sa SAF members naman ang mananatili pa sa ospital dahil nangangailangan pa ng medical at surgical intervention.
Nilinaw din nito na wala naman sa kanila ang nakaranas ng war shock at pawang may psychological clearance na rin ang mga ito.
Kung may hihiling naman aniya sa mga ito na ilipat sila sa ibang unit idinagdag ni Cerbo na pag-aaralan ito ng PNP.
Muling iginiit ng PNP na mahalaga sa kanila ang kondisyon at kaligtasan ng mga nasugatang SAF members kaya’t ibibigay nila kung kailangan ng mga ito ng bantay pansamantala habang nagpapagaling para sa kanilang seguridad. (LEA YLAGAN / UNTV News)