MANILA, Philippines – Para sa dalawang lider ng kongreso, ang Bangsamoro Basic Law (BBL) ang sagot sa matagal ng kaguluhan sa Mindanao at hindi na maaaring ipagpaliban pa ang pag-pasa nito.
Kaya naman napagkasunduan ng liderato ng House of Representatives at Senado sa kanilang regular monthly meeting ngayong Lunes na ipasa ang proposed BBL sa darating na Hunyo.
“By June 30 we will have a Bangsamoro Basic Law which is consistent and in accordance with our constitution,” pahayag ni Senate President Franklin Drilon.
“I think BBL will have to continue there are also difficulties with it but we have to continue because the alternative is what? A war again in Mindanao,” saad naman ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr.
Ayon kay Ad Hoc Committee on the Proposed Bangsamoro Basic Law Chairman Rufus Rodriguez, masyado nang na-delay ang pagtalakay sa BBL.
Hindi matutuloy ang nakatakda sanang pagdinig sa BBL bukas, Martes dahil sa Marso 6 pa lamang isusumite ng PNP Board of Inquiry sa DILG ang kanilang report ukol sa Mamasapano incident.
Dalawang linggo mula ngayon ay saka palang nila maitutuloy ang BBL hearings.
Asahan na aniya ang pagkakaron ng marathon hearing at session extension kapag sinimulan nang talakayin ang BBL sa plenaryo.
Tiniyak ni Rodriguez na magkakaroon ng pagbabago sa ilang probisyon ng BBL matapos ang Mamasapano clash na ikinamatay ng 44 na miyembro ng PNP-SAF.
Hindi rin aniya nila papayagan ang hiling ng MILF na magkaroon ng sariling police force.
“That will be difficult having their own police force that we are under 1 national police,” saad ni Rodriguez.
Binigyang diin pa ng kongresista na kung hindi isusuko ng MILF ang mga commander nito na may kinalaman sa madugong engkwentro ay hindi niya matitiyak ang pagpasa nito.
“Yes, possibly if there is no coordination and no cooperation of the MILF for achieving justice for our fallen soldiers of course we are not going to approve a bill that the other partners is not also cooperating justice for our policemen,” saad pa ni Rodriguez. (Grace Casin / UNTV News)