MANILA, Philippines – Dismayado ang ilang mambabatas at labor groups sa ‘di maktwirang taas-pasahe sa MRT at LRT.
Dahil dito, isang petisyon ang inihain nila ngayong Martes sa Korte Suprema upang isyuhan ng temporary restraining order ang fare hike.
Kabilang sa petitioners sina Senador JV Ejercito, 2nd District Parañaque Rep. Gustavo Tambunting, Ang NARS Partylist Rep. Leah Paquiz, Buhay Partylist Rep. Lito Atienza, Irwin Tieng at Mariano Michael Vellarde, dating Cavite 3rd District Rep. Crispin “Boying” Remulla, Allan Tanjusay ng Trade Union Congress of the Philippines
(TUCP); Allan Montaño ng Federation of Free Workers (FFW); Leody De Guzman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP); Rene Magtubo, ng Partido Manggagawa (PM); at Annie Geron ng PS Link.
Ayon sa kanila, bigo ang DOTC na makipagkoordinasyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang mag-comply sa publication, notice at hearing requirements sa fare hike.
“Nagkaisa kami sa umagang ito na mag-file na ng TRO sa Korte Suprema upang maitigil ang pagtaas ng presyo ng pasahe ng MRT at LRT, sa amin po hindi makatarungan sa dahilang ang serbisyo ngayon ng MRT ay hindi maganda,” pahayat ni Senador JV Ejercito, isa sa mga petitioner.
Ayon naman kay Parañaque Rep. Gustavo Tambunting, “Ayusin na muna natin ang serbisyo natin, saka na natin singilin ang taong bayan, mahirap na po sila, maliit nga ang sweldo.”
“Walang due process na nangyayari at the same time wala pong basis ang pagtatas nila ng hike ng fare kasi nga po supisyente po yung budget na binigay natin sa kanila,” pahayag pa ni Ang NARS Party-list Rep. Leah Paquiz.
“Pero bakit ho kapag manggagawa humihingi ng dagdag sahod ay dumadaan sa proseso, dumadaan sa wage board, sa prosesong ito at inaabot ng tatlong buwan ngunit pagtaas ng MRT at LRT, ang pagtaas sa pasahe ay sandali lamang at wala sa proseso,” saad naman ni Spokesperson, TUCP Spokesperson Allan Tanjusay.
Kaya naman panawagan nila sa Korte Suprema na idaan ang fare hike ng MRT at LRT sa LTFRB.
Batayan ng mga petitioner ang Executive Order 202, kung saan sinasabing ang LTFRB ang may adjudicatory power upang idetermina,rebyuhin at aprubahan ang pasahe sa public land transportation services ng motorized vehicles. Nakasaad anila ito sa 2011 LTFRB rules of procedure.
Ayon sa mga ito, hindi marapat na ang DOTC ang siyang nag-aapruba sa MRT-LRT fare increase, dahil wala itong otoridad at mandato na gawin ang naturang hakbang.
Kabilang sa respondents ng petisyon sina LTFRB Chairman Winston M. Ginez, DOTC Secretary Emilio Abaya, MRT 3 Office officer-in-charge Renato San Jose, Metro Rail Transit Corporation (MRTC) at Light Rail Manila Consortium (LRMC) Administrator Honorito Chaneco.
Ayon pa sa mga petitioner, ang responsibilidad na maprotektahan ang ekonomiya laban sa inhustisya ay nababalewala kung ang isang departamento ay nagdedesisyong mag-isa sa pagpapatupad ng fare adjustment. (Bryan De Paz / UNTV News)