MANILA, Philippines – Kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng validation ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang matukoy ang pagkakakilanlan ng limang foreign bombers na umano’y kinakanlong ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ito ay matapos makubkob ng Philippine Army ang isang pagawaan ng improvised explosive devices ng BIFF sa Mamasapano, Maguindanao noong linggo kung saan nakita ang limang banyaga.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Restituto Padilla Jr., patuloy ang isinasagawang validation upang matukoy ang identity ng apat na Indonesian at isang Arabo.
“As to the 5 reported foreign terrorists, these are 4 Indonesians and 1 Arab looking individual, the names of whom we don’t have as of yet. There were some names that popped up but we don’t reveal them as of the moment because they are not validated,” pahayag nito.
Inaalam rin sa ngayon ang pagkakakilanlan ng tatlong Tausug lieutenants ni Usman na napatay sa kasagsagan ng operasyon ng 601st Infantry Brigade ng Philippine Army noong linggo.
“So iyong three lieutenants na iyon hindi pa rin natutukoy iyong tunay na pangalan at kasalukuyang ginagawa natin ito, we’re still continuing to do that and the validation process is ongoing,” saad pa ni Padilla.
Nakatutok din ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa kaliwa’t kanang opensiba sa mga lugar kung saan namamataan ang mga rebeldeng BIFF gaya ng Mamasapano, Pikit, Shariff Aguak at mga karatig lugar sa
Maguindanao.
Hindi pa tiyak ng AFP kung kailan matatapos ang validation dahil masusi nila itong susuriin upang matiyak ang magiging resulta. (Aiko Miguel / UNTV News)