MANILA, Philippines – Matapos mabinbin ng anim na buwan, kumpiyansa ang Land Transportation Office (LTO) na maipatutupad na nito ang Anti-drunk and drugged driving law sa susunod na linggo.
Naisabatas ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act (Republic Act No.10586) noong May 13, 2013 ngunit nabinbin dahil sa ilang kulang na gamit upang lubos itong mapatupad
Nitong nakaraang linggo lamang dumating ang 150 piraso ng breath analyzer na naging dahilan kung bakit nabinbin ang implementasyon ng batas.
Sa Marso 10 ay sasailalim sa training at workshop ang mga tauhan ng LTO para sa wastong paggamit ng mga breath analyzer.
Subalit hindi kumpiyansa ang mga mambabatas kung maipatutupad ba ito ng maayos ng LTO dahil sa kakulangan ng tauhan.
Sa isinagawang pagdinig ngayong Miyerkules sa House of Representatives, kinuwestyon ng mga mambabatas kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa nade-deputize ng LTO ang PNP at MMDA na makatutulong sa pagpapatupad ng batas.
Kinuwestyon rin kung bakit 150 breath analyzer lang ang nabili ng LTO gayong ipatutupad ito sa buong bansa.
Ayon sa LTO, kapag na-deputize ang MMDA at PNP, sila ang bibili ng sarili nilang mga breath analyzer.
Ang Anti-drunk and drugged driving law ay batas na nagbabawal sa mga motorista na magmaneho habang nasa ilalim ng impluwensiya ng nakalalasing na inumin at droga.
Ayon sa batas, kailangang nasa zero percent ang blood alcohol level sa lahat ng tsuper ng public utility vehicles, trucks, motorcycles at mga private bus.
Samantala 0.05% naman ang blood alcohol level na pinahihintulutan ng batas sa lahat ng tsuper ng mga pribadong sasakyan na may bigat na 4500 kg pababa gaya ng mga kotse at van.
Sasailalim sa tatlong test ang mga driver na mahuhuling nagmamaneho ng lasing o nakainom, kabilang dito ang eye test, walk and turn at ang one-leg stand.
Kapag bumagsak sa alinmang mga pagsubok ay agad itong isasailalim sa breath analyzer test upang malaman ang blood alcohol content ng driver.
Kung mahuhuli naman ang sinomang pinaghihinalaang nasa ilalim ng impluwensya ng droga ay agad itong dadalin sa pinakamalapit na presinto upang sumailalim sa drug screening test.
Tatlong buwang pagkakakulong hanggang sa 20 taon at P20,000 hanggang P500,000 ang multa sa sinomang lalabag sa naturang batas.
Para naman sa mga private utility driver, sa unang paglabag ay isang taong suspensyon ng kaniyang lisensya, habang sa ikalawang paglabag ay rebokasyon ng lisensya.
Sa mga public utility driver, permanent revocation ng lisensya sa unang paglabag. (Mon Jocson / UNTV News)