MANILA, Philippines – Hindi na magsasampa ng mosyon si Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. sa Sandiganbayan First Division upang muling madalaw sa Asian Hospital ang kaniyang anak na si Cavite Vice-Governor Jolo Revilla ngayong Huwebes.
Ayon sa tagapagsalita ng pamilya Revilla na si Atty. Raymond Fortun, nagpasya ang senador nw huwag ng maghain ng mosyon matapos lumabas ang resulta ng isinagawang CT scan sa bise gobernador nitong Martes ng gabi.
Sa pinakahuling medical bulletin na inilabas ng ospital, mayroon na lamang minimal fluid o dugo at hangin na nakukuha sa baga ng actor/politician.
Nitong umaga ng Miyerkules, nasa 60CC na dugo na lamang ang nakuha sa batang gobernador, kumpara sa 200CC nitong Martes, at 500CC na dugo noong linggo.
Nakitaan naman ito ng fracture sa ika-lima at ika-anim na ribs bunsod ng tama ng bala ng .40 caliber pistol sa kaniyang kanang dibdib.
Mayroon na rin itong pneumonia ayon kay Atty. Fortun.
Sa kabila nito ay mas nakakahinga na ng maayos ang batang gobernador, nakakain na at nakadumi na rin kaninang umaga.
Nasa regular room na rin si Jolo at wala na sa ICU ng ospital.
Samantala, ngayong hapon ay ibinigay na ng pamilya Revilla sa Muntinlupa police ang baril ng bise gobernador na sinasabing aksidenteng pumutok ng ito’y kaniyang nililinis noong Sabado ng umaga sa kanilang bahay sa Ayala, Alabang.
Kinuha ito ng Muntinlupa police bilang bahagi ng kanilang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
(Sherwin Culubong / UNTVNews)