MANILA, Philippines – Nananawagan si dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño sa Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na tutukan ang distribusyon ng kuryente ng mga power plant upang maiwasan ang brownout ngayong tag-init.
Ayon kay Casiño, dapat patawan ng mataas na multa ang mga power plant na hindi makakatugon sa committed capacities ng power generators para sa darating na dalawang buwan.
“Iyong pagtaas naman ng kuryente at iyong shortage hindi kasalanan iyan ng mamamayan at ng consumers, so dapat ayuda na iyan ng gobyerno dahil nga hindi naisagawa ang mga planta ng kuryente at iba pang proyekto para matiyak na walang brownouts,” pahayag nito.
Hindi rin aniya dapat pagkakitaan ang Interruptible Load Program (ILP) at sagutin na lamang ng gobyerno ang budget na kakailanganin para sa pagpapatakbo ng generators ng mga mall at mga industriya.
“Hindi dapat sagutin ng mamamayan iyong kanilang operational costs sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo.”
Kailangan rin aniya na masiguro ng DOE at ERC na masasapatan ng power plants ang kanilang ipinangakong suplay ng kuryenteng kakailanganin ng mga mamamayan upang hindi magkaroon ng aberya at maantala ang operasyon ng mga industriya ngayong tag-init. (Aiko Miguel / UNTVNews)