Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

80 pamilya naapektuhan ng sunog sa Sampaloc, Maynila

$
0
0

Ang mga residente sa bahagi ng Blumentritt Road corner Sto Tomas Street sa Sampaloc, Manila habang nasusunog ang ilang kabahayan sa lugar na ito nitong umaga ng Marso 4, 2015. (Rovic Balunsay / Photoville International)

MANILA, Philippines – Walumpong pamilya ang nawalan ng tahanan dahil sa sunog na umabot sa 4th alarm sa may Susan St. sa Sampaloc, Maynila, ala-7:56 ng umaga ngayong Miyerkules.

Nagsimula ang sunog sa isang 2-storey apartment at nadamay ang ilan pang kalapit na bahay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), posibleng problema sa linya ng kuryente ang sanhi ng sunog.

“Most probably kasi ang pinagmumulan ng sunog nga yung mga electrical, electrical wiring kaya dapat ang ating mga kuryente dapat laging tsini-check yan, monthly check up,” pahayag ni Fire Insp. Efren Bereña, Commander ng BFP Sub Station Sampaloc.

“Sabi katulong lang daw naiwan diyan, umusok na raw tapos umiiyak lang yata tapos nung lumabas malaki na yung apoy,” saad naman ni Edgardo Roque, may-ari ng apartment.

9:49 na ng umaga nang tuluyang maapula ang apoy kung saan aabot sa P1.5 million ang halaga ng pinsala ng sunog.

Samantala, pansamantala namang nanatili sa gilid ng kalsada ang mga residenteng apektado ng sunog.

Nagtayo ng tent ang mga tauhan ng barangay upang mayroon silang pansamantalang masisilungan.

Ayon sa isa sa mga nasunugan na si RJ Samson, “Ok naman po kami pero wala lang po talaga kaming nalabas na gamit.”

“Maghahanap na po kami ng titirhan na iba. Wala pa nga kaming 1 year diyan, wala pa kaming 1 year tapos ganyan ang nangyari,” pahayag naman ni Marjie Canapia.

Paalala naman ng Bureau of Fire Protection ngayong fire prevention month na kailangan ang ibayong pagiingat upang makaiwas sa sunog. (Victor Cosare / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481