MANILA, Philippines – Nananawagan si Department of Justice Secretary Leila De Lima sa mga mamababatas na ituloy na ang mga pagdinig sa proposed Bangsamoro Basic Law habang hinihintay ang resulta ng Mamasapano investigation.
“Sana ihiwalay ang usapin na yan. Magfocus din sila dun sa BBL ba as presented to Congress. Would this pass constitutional scrutiny, lahat ba yan papasa based on limitations sa constitution, dun sana sila mag-focus, wag muna nila ihalo itong issue nitong Mamasapano,” saad ni De Lima.
Iginiit rin ng kalihim na hindi mamadaliin ng joint National Bureau of Investigation-National Prosecution Service (NPS) Special Team ang ginagawang imbestigasyon sa Mamasapano incident na ikinasawi ng 44 na PNP-SAF troopers, 18 MILF fighters at ilang sibilyan.
“Even if ang talagang hinihintay natin katarungan for the SAF 44, huwag ho naman nating kalimutan na may sinasabi din po ang MILF na meron din silang mga biktima, at may biktima ring mga civilians. So yun ang gusto naming tignan din, di lang yung tungkol sa SAF, kundi mga biktima rin from the other side,” pahayag pa ng kalihim.
Samantala, hinihintay na lamang ni De Lima ang kopya ng ulat ng MILF tungkol sa pagkakasangkot ng mga miyembro nito sa Mamasapano incident.
Una nang sinabi ng MILF na isusumite rin nila sa Malaysian government ang kanilang report hinggil sa engkwentro.
Inaasahan namang matatapos ng NBI at NPS ang kanilang report hinggil sa insidente sa Abril 2.
(Bianca Dava / UNTV News)