MANILA, Philippines – Sa unang araw pa lamang ng ensayo ng ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) chorale, damang-dama na ang pagnanais ng mga ito na makatulong sa mga pamilya ng mga nasawi sa madugong engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Sa pamamagitan ng kanilang mga tinig, makikibahagi ang mga naturang grupo sa idaraos na benefit concert na may titulong “Songs for Heroes” para sa tinatawag na gallant 44 na gaganapin sa Marso 19 sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ito ay sa pangunguna ng nag-iisang public service sa bansa, ang UNTV.
“We are happy and we are honored to be part of the show. At least maipahatid din namin yung aming pakikiramay sa SAF 44 namin,” pahayag ni Major Allan Cabanlong. “Mas lalo naming gagalingan kasi alay namin yun para sa kanila,” dagdag nito.
Nagustuhan rin ng mga ito ang napiling awit para sa naturang benefit concert.
“Very suitable po sya dun sa event natin na yun na nakikiramay tayo, yung song mararamdaman mo po yung nasa song na… yung lungkot, yung pagkawala ng ating mga minamahal. Sa amin po hindi lamang sa pagkanta kundi nasa puso po namin yung kinakanta po namin na pakikiramay po,” saad naman ni Police Inspector Delia Gesultura.
Malaki ang pasasalamat ng pamunuan ng PNP Chorale sa UNTV sa pagsasagawa ng kauna-unahang gallant 44 related concert na sila mismong mga pulis at sundalo ang bahagi ng programa.
Ayon kay PO3 Eldiango Polino, “Ang UNTV ang isa sa channel na nakapag-isip ng ganitong programa at maraming maraming mabebenipisyuhan itong ginawa ng UNTV, napakaganda po.”
“Magugustuhan po yung mga kanta na yun kasi nababagay sa tema po ng ginagawa ng UNTV. Ngayon pa lang praktis namin, masaya na yung feelings namin,” saad pa nito.
Makakasama ng AFP at PNP Chorale ang ilang magagaling na mang-aawit sa industriya ng musika sa Pilipinas upang ipadinig ang mga napapanahong awitin para sa pamilya ng SAF 44. (Adjes Carreon / UNTV News)