MANILA, Philippines – Hindi naghain ng plea sa kasong plunder at 7 counts of graft kaugnay ng PDAF scam si dating APEC Partylist Rep. Edgar Valdez ngayong araw ng Lunes.
Hindi rin nagpasok ng plea si Department of Budget and Management Undersecretary Mario Relampagos at iba pang opisyal ng DBM.
Samantala, not guilty naman ang ipinasok na plea ni Janet Lim Napoles at iba pang kapwa akusado sa graft, habang hindi pa rin humaharap sa korte at nagtatago si John Raymond De Asis, kapwa akusado sa kasong plunder.
“Last Friday we filed a motion to defer arraignment but then proceeded with the arraignment that’s why we thought it wise not to enter any plea. Si Valdez refused to enter any plea otherwise it might render the petition for certiorari moot and academic,” pahayag ni Atty. Joel Ferrel, abogado ni Valdez.
Samantala, magkakaroon na rin ng bail hearing sa plunder case ni Valdez.
Ayon sa kanyang abogado, sa loob lang ng labindalawang pagdinig ay maaari nang matapos ang bail hearing dahil kumpiyansa silang walang matibay na ebidensyang mailalatag laban sa dating kongresista.
Sinabi ni Atty. Ferrer na kwestiyonable ang kasong plunder na isinampa laban sa dating kongresista.
“The threshold amount was not met, meaning to say P50 million sa plunder considering the amounts involved hindi aabot ng P50 million so elements of which is nag-fail na,” saad pa ng abogado.
Inaasahang haharap bilang kauna-unahang testigo laban kay Valdez si Carmencita Delantar, mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Kasalukuyang nakaditine sa BJMP sa Camp Bagong Diwa si Valdez kasama sina Janet Lim Napoles at Atty. Gigi Reyes na pawang mga akusado rin sa pork barrel scam. (Joyce Balancio / UNTV News)