MANILA, Philippines – Pasok na bilang isa sa mga grand finalist ang awiting “I Am Grateful” sa A Song of Praise (ASOP) Music Festival matapos itong tanghaling song of the month sa buwan ng Hulyo noong Linggo ng gabi.
Sa modernong rendisyon ng Stonefree vocalist na si Miro Valera, naungusan ng komposisyon ni RJ Jimenez ang tatlo pang weekly winning entries kabilang ang “Tanging Daan” ng mag-inang Meldin at Erlinda Nabia na inawit ni Shanne Velasco, “Hallelujah” ni Ricardo Mercado sa rendisyon ni Dennis Perez at “Pagtitiwala Ng Puso” ni Antonio Gan Jr na inawit ng Passage vocalist na si Mark Laygo.
“Salamat! Finally! Well, sobrang saya na talagang ‘yun grateful talaga ako sa nangyari. Actually, sa totoo lang, ang dami ko ring sinasalihan na ano… songwriting competition. Tapos eto ‘yung kauna-unahan na talagang nanalo ako,” masayang pahayag ni RJ.
Ayon naman kay Miro, “sobrang salamat din tapos ayun, ako honored. Nagpapasalamat lang din na binigyang buhay ko ‘yung magandang kanta ni RJ.”
Kasama ni Mon Del Rosario sa panel ng mga hurado sina Direk Carlos Siguion-Reyna at pop rock singer na si Lou Bonnevie.
Mapapanood ang finals night ng ASOP Year 2 sa Setyembre sa Smart-Araneta Coliseum. (Adjes Carreon / Ruth Navales, UNTV News)