MANILA, Philippines — Opisyal nang pinasimulan ang UNTV Cup na isa sa mga public service initiative ng himpilan.
Lunes ng gabi, July 29, sa SMART-Araneta Coliseum ay ipinakilala na ang mga koponan na binubuo ng public servants at celebrities na magtatagisan ng galing sa basketball sa mga susunod na buwan.
Kabilang dito ang team Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Department of Justice (DOJ), Supreme Court (SC), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philhealth, at ang team Congress/LGU’s
Unang nagharap sa first game ang koponan ng DOJ at AFP at pinangunahan naman ni Kuya Daniel Razon ang ceremonial jump ball.
Kasama rin sa mga maglalaro sina former congressman Erin Tañada, TESDA Secretary Joel Villanueva, Supreme Court Administrator Midas Marquez.
Sa celebrities, magpapakitang-gilas sina Emilio Garcia, James Blanco, Allen Dizon, Jordan Herrera, Onyok Velasco, John Hall, Eric Fructuoso, Jao Mapa, Michael Flores, Ervic Vijandre at ang magkakapatid na Kier, Brandon at Zoren Legaspi.
Round robin eliminations ang sistema ng laro, ibig sabihin ay makakalaban ng bawat koponan ang pitong teams
Kung sino ang top four ay siyang makakasama sa playoffs bilang semi final round at ang top two teams ang siyang maglalaban sa kampeonato ng UNTV Cup na gagawin sa Nobyembre.
“Ang lagi nating goal at mission ay public service, ang UNTV ay public service channel so lahat ng ating ginagawa ay gearing towards na makapagsilbi sa ating mga kababayan sa iba’t ibang pamamaraan,” ani Kuya Daniel Razon. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)