MANILA, Philippines – Sa harap mismo ng tanggapan ng Philippine National Railways (PNR), muling iginiit ng mga militante na hindi makatwiran ang isinusulong na taas-pasahe sa railway system.
Para sa grupong Kilusang Mayo Uno (KMU), hindi na nga tumataas ang sahod ng mga manggagawa na siyang pangunahing sumasakay ng tren ay mababawasan pa ang kanilang sweldong pantustos sa kanilang pamilya.
Babala ni Lito Ustarez, Executive Vice Chairman ng KMU, oras aniya na ituloy ang fare increase ay agad nilang hihilingin sa Supreme Court na ipatigil ang implementasyon ng nito.
“Ang laki ng kinikita niyan at kung sa loob ng 20 taon ay napanatili nila ang ganyang singil sa pamasahe, bakit ngayon ay bigla-bigla silang magtataas,” giit nito
Pangamba ng mga militante, front lang ang fare hike ng isang mas malaking plano o ang pagsasapribado sa PNR.
“Kung ikaw ay negosyante ang titingnan mo kaagad buyable ba yung bibilhin kong negosyo, kung hindi buyable yan hindi ko bibilhin. Kaya mahihirapan silang ibenta yan sa private kung ganyan pa rin yung pamasahe kaya magtataas yan,” pahayag pa ni Ustarez.
Ngunit agad namang sinagot ng PNR ang isyu.
Ayon kay Lito Nierva, Department Manager for Operations ng PNR, “Not necessary naman, hindi naman ganun. Ang privatization na yan like the LRTs… hindi entirely. Ang ownership niyan laging gobyerno yan hindi pwedeng ibigay sa private yan. Maybe yung fare collection system private sectors may come in.”
Giit ng PNR, kailangan nilang magpatupad ng taas-singil sa pasahe upang matustusan ang araw-araw na gastusin sa operasyon at pagmamantine ng mga tren.
Ayon naman kay Nierva, kung may sapat na pondo ang PNR ay mas mapabubuti ang maintenance sa train system kaya posibleng maibalik ang 78 na biyahe sa isang araw mula sa kasalukuyang 52 upang makapagserbisyo pa sa nakararaming pasahero.
Paliwanag ng ahensya, kung tutuusin aniya ay maliit lang ang kanilang hinihinging increase at ngayon pa lang sila uli magdadagdag ng pasahe makalipas ang 20 taon.
“Kung wala yang fare increase na yan, we can still subsets pero mahihirapan talaga kami sa maintenance sa daily operations,” saad pa ni Nierva.
Target ng PNR na ipatupad ang fare hike sa Abril.
Batay sa board resolution ng PNR, ang aprubadong minimum fare ay tataas sa P15 mula sa dating P10, at ang pinakamataas naman ay magiging P60 mula sa dating P45.
Ayon naman sa Department of Transportation and Communications (DOTC),patuloy pang pinagaaralan ng kagawaran kung papaboran ang rekomendasyon ng PNR.
Ang kasalukuyang linya ng PNR ay nagmumula sa Tutuban, Maynila hanggang sa Calamba, Laguna.
(Victor Cosare / UNTV News)