Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Mamasapano report, hindi na kailangang makita ng Pangulo bago isapubliko — Malacañang

$
0
0

FILE PHOTO: Presidential Communication Secretary Herminio ‘Sonny’ Coloma Jr. (UNTV News)

MANILA, Philippines – “Hindi po kailangang matanggap o makita ng Pangulo ito bago ito mai-release dahil ito naman ay ulat na patungkol sa Philippione National Police. Ito ay sa pagkabatid natin, pagkatapos itong mabuo ay isusumite kay Deputy Director General Espina at kay Sec. Roxas.”

Ito ang pahayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio “Sonny” Coloma Jr. kaugnay ng proseso ng pagsusumite sa Philippine National Police (PNP) ng resulta ng ginawang imbestigasyon ng Board of Inquiry (BOI) sa Mamasapano clash noong Enero 25.

Ito ay makalipas ang tatlong araw na hiningi ng BOI bago maisapinal ang Mamasapano report.

Naniniwala ang Malacañang na ang nilalaman ng BOI report ay makatotohanan at naibatay sa masusing pagsisiyasat.

Ayon kay Coloma, hindi ito naapektuhan o naimpluwensyahan ng mga nakaraang pagsasalita ng Pangulo kaugnay ng kaniyang nalalaman sa pangyayari.

Umaasa rin ang kalihim na ito ay maisasapubliko dahil na rin sa pagnanasa ng marami na malaman ang buong katotohanan ng pangyayari sa Oplan Exodus kung saan nasawi ang 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF).

“Lahat naman po siguro ng mga concern sector partikular na ang mass media at mga stakeholders dito ay umaasa na isasapubliko ang ulat ng Board of Inquiry,” saad ni Coloma.

Kaugnay nito, hindi na pinatulan ng Malacañang ang mga alegasyon sa privilege speech ni Senator Allan Peter Cayetano nitong Miyerkules kaugnay ng sinseridad ng Moro Islamic Liberation Front partikular na ang umano’y ginagawang pagkakanlong sa international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.

“Sa aming palagay yung mga impormasyon tungkol dun sa umano’y pagkanlong ng MILF dun sa alegasyon na that the MILF cuddles Marwan should referred to the Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs that heard the different resource persons regarding the Mamasapano incident,” pahayag pa ni Coloma.

Sinabi pa ng kalihim na sa kabila ng mga naturang isyu, patuloy na naninindigan ang Pangulo na maipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan ng pamahalaan sa MILF at maipasa sa lalong madaling panahon ang panukalang Bangsamoro Basic Law. (Nel Maribojoc / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481