MANILA, Philippines – Isang propaganda ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang kautusan ng Ombudsman na suspindihin ng anim na buwan si Makati City Jejomar Edwin ‘Junjun’ Binay.
“Kitang-kita niyo na ho eh, iyong nagpa-file sa Ombudsman, identified kay Mar Roxas. Iyong mag-i-implement ng preventive suspension si Mar Roxas at mga tauhan ni Mar Roxas. Iyong iuupo nilang mayor Liberal Party kasama ni Mar Roxas. His fingerprints are all over,” pahayag ni United Nationalist Alliance (UNA) Sec. General JV Bautista.
Ayon pa kay Bautista, pinag-aralan nila ang mga taong bahagi ng imbestigasyon ng Ombudsman hinggil sa umano’y maanomalyang konstruksyon ng Makati City Hall 2 parking building, at nakitaan nila ito ng koneksyon kay Roxas.
“Itong si Ombudsman Prosecutor Biyernes he is identified with former Ombudsman Sonny Marcelo. Sonny Marcelo is a partner of former Secretary Nonong Cruz. Who is Nonong Cruz? Nonong Cruz is not only a lawyer of Mar Roxas but an operator of Sec. Mar Roxas,” pahayag pa nito.
Dahil dito mas nanindigan si Makati Mayor Binay na walang basehan at isang propaganda lamang ang inilabas na suspension order ng Ombudsman laban sa kanyang pamilya.
Malakas din ang kanilang kumpyansang kakatigan ng Court of Appeals (CA) ang kanilang petition for certiorari.
Paliwanag ng kampo ng mga Binay, nangyari ang bahagi ng umano’y maanomalyang konstruksyon ng Makati City Hall 2 parking building sa kanyang unang termino noong 2010-2013. Ngunit muling nailuklok sa pwesto si Junjun Binay noong 2013-2016.
Ayon sa “Aguinaldo Doctrine” ng Supreme Court, magiging moot and academic ang kaso laban sa alkade dahil lumalabas na hinalal pa rin ito ng publiko sa kabila ng reklamo.
Dagdag pa ng mga Binay, walang malakas na ebidensya na maipapakita ang Ombudsman sa mga alegasyon laban sa alkalde.
Sa naturang joint order, mali-mali rin umano ang pusisyon ng ilang kapwa akusado na patunay na hindi pinag-aralang mabuti ng Ombudsman ang reklamo.
Hindi rin umano posible na ginagamit ni Binay ang kanyang posisyon upang impluwensyahan ang mga ebidensya o testigo.
“Bakit kailangang magkaroon ng preventive suspension, eh labingpitong hearing na ata sa Senado lahat naman ng dokumento na hiningi nila lahat ng pina-subpoena na dokumento ibinigay na namin doon,” giit ni Mayor Junjun Binay.
Dahil dito, mas naninindigan si Mayor Binay na hindi aalis sa pwesto at hindi ibibigay ang pamamahala ng Makati sa bise alkalde.
Nitong Miyerkules ng gabi ay hindi umuwi ng kanilang bahay si Makati Mayor Junjun Binay at sa kanyang opisina lamang sa city hall ito natulog.
Ayon sa alkalde, sinamahan pa siya ng kanyang ama na si Vice President Jejomar Binay at napag-usapan ang kaparehong sitwasyon na naranasan nito noong naging mayor ito ng Makati.
Taong 2006 nang napatawan din ng preventive suspension si Vice President Binay dahil naman sa umano’y ghost employees ng city hall.
Batay sa joint order ng Office of the Ombudsman, immediately executory laban kay Makati City Mayor Junjun Binay at tanging temporary restraining order (TRO) lamang mula sa Court of Appeals o Korte Suprema ang maaaring pumigil dito. (Joyce Balancio / UNTV News)